Magsino

OFW Party List Group nagbigay pugay sa malaking ambag ng mga OFWs para mapaunlad ekonomiya ng PH

Mar Rodriguez Jun 7, 2023
178 Views

KAUGNAY sa pagdiriwang ngayong araw (June 7) ng “Migrant Worker’s Day” nagbigay pugay ang One Filipinos Worldwide (OFW) Party List Group sa malaking kontribusyong nai-ambag ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para mapaunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na ang mga OFWs ang nagsisilbing “driving force” na siyang nasa likod ng pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang mga remittances.

Binigyang diin ni Magsino na ang ipinapadalang remittances ng mga Pilipinong manggagawa mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nagsisilbing haligi kung bakit umaangat ang ekonomiya ng Pilipinas bunsod narin umano ng kanilang hindi matatawaran at mapapantayang dedikasyon sa trabaho.

Ayon kay Magsino, noong 2022 ay pumalo sa USD $36.136 billion ang personal remittance ng mga OFWs na pumasok sa kaban ng pamahalaan. Kung saan, katumbas naman nito ang 8.9% ng Gross Domestic Product (GDP) at 8.4% ng Gross National Income (GNI).

Ipinaliwanag pa ni Magsino na maging ang mga economic managers ng pamahalaan ay sumasang-ayon umano sa kaniya na malaking impact sa gobyerno ang mga pumapasok na remittances mula sa mga OFWs sapagkat malaki aniya ang naitulong nito sa nararansang economic crisis ng bansa.

Nabatid pa sa kongresista na aminado rin ang mga economic managers na malalagay sana sa napakalalang sitwasyon ang ekonomiya ng Pilipinas kung hindi sa ipinapadalang remittances ng mga OFWs na malaki aniya ng naitulong partikular na noong panahon ng pandemiya sa Pilipinas.

“They said the economy would be in a worse situation if not for OFW remittances. Especially during the pandemic wherein OFW remittances helped our economy stay afloat,” paliwanag ni Magsino.

Naniniwala din si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 Regional Director Atty. Falconi “Ace” V. Millar na maituturing na haligi ng ekonomiya ng bansa ang mga OFWs dahil sa napakalaking kontribusyon na naibibigay nila para mapaunlad ang pamumuhay ng mga Pilipino.

Ipinaliwanag ni Millar na hindi lamang ang sariling pamilya ng mga OFWs ang kanilang napagsisilbihan bagkos maging ang mga ordinaryong mamamayan partikular na ang mga mahihirap dahil napupunta ang kanilang remittances sa pagsusulong ng mga livelihood programs ng pamahalaan.

Dahil dito, umaasa din si Millar na mabibigyan ng recognition sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang malaking ambag ng mga OFWs sa economiya ng bansa.