Magsino

OFW Party List Group nais supilin mataas na OFW placement fees

Mar Rodriguez Dec 21, 2022
270 Views

DESIDIDO ang Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na supilin ang mga mapag-samantalang “recruitment agencies” na sobra-sobra kung maningil ng tinatawag na “placement fees” sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa ibang bansa.

Isinulong ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang House Bill No. 361 na ang pangunahing layunin ay upang parusahan o i-penalize sa pamamagitan ng pagkakakulong at pagbabayad ng danyos ang mga mapag-samantalang recruitment agencies.

Ipinaliwanag ni Magsino na hindi lingid sa ating kaalaman ang kuwento patungkol sa napakaraming OFWs na naging matagumpay at umasenso ang kanilang buhay. Bunsod ng pakikipagsapalaran nila sa ibayong dagat at tinamasa nila ang tamis ng kanilang mga pagsisikap.

Subalit binigyang diin ni Magsino na sa likod ng mga kuwentong ito. Bago nakamtan ng mga OFWs ang tinamasa nilang tagumpay ay dumaan muna sila sa napakatinding suliranin sa pamamagitan ng pagbabayad ng napakataas na “placement fees” na kailangan nilang bayaran.

Sinabi ng OFW Party List solon na may ilang OFWs ang napilitang magsanla ng kanilang bahay, magbenta ng kanilang kalabaw at iba pang mga kasangkapan para lamang maka-comply sa mga “employment requirements” bago sila makapag-abroad o makapag-trabaho sa ibang bansa.

Tinukoy ni Magsino ang napaka-mahal na “placement fees” na sinisingil ng mga “recruitment agencies” ang siyang pangunahing dahilan kung bakit ang ilan sa mga OFWs ay nagkakalubog-lubog sa utang, nagkakasanla-sanla at ang iba ay halos nagkanda-kuba sa kababayad.

Ipinaliwanag ni Magsino na mayroong ipinataw na “ceiling” ang Philippine Overseas Employment Agencies (POEA) para sa paniningil ng mga recruitment agencies ng “placement fees” sa kanilang mga kliyente. Subalit may ilan aniya ang hindi sumusunod sa itinakdang “ceiling”.

Sinabi pa ng kongresista na mga OFWs na rin ang nagsumbong na may ilang recruitment agencies ang sobra-sobra kung maningil ng “placement fees” na halos masakal sila sa laki ng kanilang babayaran. Hindi pa man sila nakakaalis ng bansa ay lubog na aniya sila sa utang.

“Despite the ceiling, reports from OFWs have revealed that most not all recruitment agencies comply with the standards. In fact, some collect even as much as three to four times their monthly basic salary. Excessive fees can run OFWs up to six digits. Causing them to neck-deep in debts even before they leave the country,” ayon kay Magsino.