Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

OFW Party List ikinagalak tuloy-tuloy na suporta ng DMW para sa mga OFWs at kanilang pamilya

Mar Rodriguez Feb 19, 2025
110 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang tuloy-tuloy na pagsusulong ng Department of Migrant Workers (DMW) ng mga hakbangin at inisyatiba para mabigyan ng proteksiyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya sa gitna ng mga problemang kinakaharap nila sa ibayong dagat.

Kasabay nito, pinapurihan ni Magsino sina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil naman sa suportang ibinigay ng Punong Ehekutibo at Kamara de Representantes kaugnay sa pagpapatupad ng P2.2 bilyong financial assistance para sa mga OFWs.

Sinabi ng kongresista na napakalaking tulong ang naibibigay ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan (AKSYON) program para sa 135,601 overseas workers o Migrant workers lalo na ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Magsino na napakaganda ng layunin ng DMW AKSIYON Fund sapagkat ibinibigay nito ang isang komprehensibong sistema ng suporta para sa mga OFWs sa pamamagitan ng pagkakaloob ng legal assistance, medical assistance, financial aid, repatriation services at emergency assistance.

Ayon pa kay Magsino, ang pangunahing layunin ng nasabing programa ay ang pagbibigay ng tulong para sa mga OFWs na nahaharap sa matinding kagipitan sa pinagta-trabahuhan nilang bansa upang tiyakin ang kanilang kaligtasan, seguridad at kapakanan.

Ibinida naman ni Magsino ang achievements ng OFW Party List sa loob ng anim na taong panunungkulan nito sa Kamara kung saan natugunan nito ang problema ng mga OFWs patungkol sa kakulangan ng suporta at access sa edukasyon ng kanilang pamilya.

Ipinabatid ng OFW Party List Lady solon na naging matagumpay ang pamamahagi nito ng scholarship assistance at scholarship slots para sa formal at vocational courses upang matulungan ang mga OFWs at kanilang pamilya na makapagtapos ng kanilang pag-aaral.

Sabi pa ni Magsino na lalo pang pinalakas ng isinulong nitong programa na mabigyan ng magandang oportunidad ang mga OFWs at kanilang pamilya na makapagtapos ng kanilang pag-aaral katuwang ang mga ahensiya ng gobyerno kabilang na ang mga private institution.