Magsino

OFW Party List inilunsad ang “voter’s registration” para sa mga OFWs

Mar Rodriguez Apr 25, 2024
184 Views

INILUNSAD ng OFW Party List Group sa Kamara de Representantes ang voter’s registration” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang sektor upang makalahok ang mga ito sa gaganaping “Internet Voting” bilang paghahanda naman sa darating na 2025 mid-term elections.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino sa Commission on Elections (COMELEC).

Inilunsad sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay ang Satellite Voter’s Registration para palakasin ang partisipasyon ng mga OFWs sa proseso ng eleksiyon.

Ipinaliwanag ni Magsino na madali na aniyang makakaboto ang mga OFWs bunsod ng pagsisikap nila ng COMELEC na maging internet-based ang pagboto ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat sa pamamagitan ng “Internet Voting” na magsisimula sa susunod na taon (2025 elections).

Ayon sa kongresista, kabilang sa overseas voter’s registration ang mga Overseas Filipino (OFs) o mga Pinoy na naninirahan sa iba’t-ibang panig ng mundo at mga OFWs. Kung saan, kasama din sa mga nagpa-rehistro ang mga Pilipino na nasa ibang bansa sa panahon ng 2025 elections.

“Sana ay maging kabahagi ang lahat ng ating OFs at OFWs sa kauna-unahan at makasaysayang internet voting para sa ating mga overseas voters na gaganapin sa 76 out of 93 foreign posts. Ito’y ating ipinaglaban, kasama ang COMELEC dahil batin natin ang hirap ng mga OFWs sa pagboto kada election,” wika ni Magsino.

Idinagdag pa ni Magsino bilang kinatawan ng OFW Party List. Sinisikap nilang palaganapin ang information dissemination para sa mga OFs at OFWs kasunod ng kanilang pagsisikap na maipasa at maisabatas ang “Internet Voting” na kasalukuyang nakasalang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nabatid naman sa COMELEC-Office for Overseas Voting na noong February 1, 2024 ay nasa 1.1 million na overseas voters ang nagpa-rehistro. Habang nais pa ng COMELEC na pataasin ang dami ng mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa bilang OFs at OFWs na makapagpa-rehistro.