Magsino

OFW Party List nag-iwan ng legacy sa pagtatapos ng 19th Congress

Mar Rodriguez Jun 14, 2025
36 Views

BAGAMA’T nagbigo itong makakuha ng upuan sa 20th Congress, nag-iwan naman ng “legacy” ang OFW Party List matapos ihayag ni Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na tuluyan na nilang tinuldukan ang katiwalian sa mga balikbayan boxes.

Sinabi ni Magsino na bago magtapos ang huling session ng 19th Congress, in-adopt ng Kamara de Representantes ang Committee Report No. 1505 na nag-ugat sa inihain niyang House Resolution No. 499 para mabigyan ng solusyon ang problema sa mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa kaniyang sponsorship speech sa Plenaryo, inilahad ni Magsino ang mga nakasaad na findings at rekomendasyon ng House Committee on Overseas on Overseas Workers Affairs sa CR No. 1505 kaugnay sa katiwalian sa mga balikbayan boxes.

Inihayag ng kongresista ang tungkol sa sistematikong problema kaugnay sa pagpapadala ng mga OFWs ng kanilang balikbayan boxes sa Pilipinas kung saan natuklasan ang kawalan ng sapat na regulasyon at pananagutan sa mga foreign consolidators at iba pa.

“Ang mga balikbayan boxes na ito ay hindi lamang simpleng material na mga bagay. Ito ay simbolo ng kanilang pawis at sakripisyo ng pagmamahal sa kanilang pamilya, at mukha ng isang katangi-tanging tradisyon ng ating mga Pilipino,” sabi ni Magsino sa kaniyang sponsorship speech.

Ang House Resolution No. 499 ay inihain ni Magsino noong nakaraang Oktubre 2022 kung saan ito ang nagsilbing batayan upang magsagawa ng masusing imbestigasyon ang Committee on Overseas Workers Affairs (COWA) noong Disyembre 2024 at Pebrero 2025.

Sa pamamagitan ng Technical Working Group (TWG) na pinamumunuan ni Magsino, sabi pa ng mambabatas na masusing natukoy sa mga pagdinig ang mga konkretong hakbang upang masupil ang mga nangyayaring iregularidad at matiyak ang proteksiyon para sa mga OFWs.

Kabilang naman sa mga pangunahing nabuong rekomendasyon ay ang pagpapalabas ng Joint Administrative Order (JAO) na nagtatakda ng mga regulatory mechanism na magpapataw ng pananagutan.