Magsino

OFW Party List nakikipag-tulungan na sa DFA at DMW para makauwi ng ligtas sa Pilipinas ang 700 OFW’s sa Sudan

Mar Rodriguez Apr 26, 2023
441 Views

INIHAYAG nang One Filipinos Worldwide (OFW) Party List sa Kamara de Representantes na nakikipag-tulungan na sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) para makatulong ang nasabing grupo sa mabilis subalit ligtas na pagpapauwi sa 700 Overseas Filipino Workers (OFW’s) na kasalukuyang nasa peligro na maipit ng kaguluhan at tensiyon sa bansang Sudan.

Ito ang nabatid ng People’s Taliba kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na patuloy ang kanilang koordinasyon sa DFA at DMW upang tiyakin na makaka-uwi ng ligtas sa Pilipinas ang mga OFW’s sa Sudan na posibleng maipit ng nangyayaring kaguluhan duon lalo na sa bayan ng Khatoum.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na ang pakikipag-ugnayan nila sa DFA at DMW ay para tiyakin din na makakapagbigay ang pamahalaan ng mga kinakaikangang supply para sa mga OFWs tulad ng mga pagkain, inumin, gamot, mga damit at iba pang pangunahing pangangailangan o basic needs habang nag-aantay sila ng repatriation.

Gayunman, sinabi pa ni Magsino na sa kasalukuyan ay hindi pa pormal na sinisimulan ng gobyerno ang repatriation drive para sa pagpapalikas sa 700 Filipinong manggagawa sa nasabing bansa.

Subalit iginigiit ng kongresista na kailangan na itong isagawa sa lalong madaling panahon bago lumala ang tensiyon sa Sudan. Sapagkat lalo lamang magiging mahirap ang pagpapauwi sa mga OFWs kapag tuluyan ng sumiklab ang kaguluhan sa Sudan.

Pinasalamatan naman ni Magsino si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa plano ng kaniyang pamahalaan na magsagawa ng repatriation drive para iligtas mula sa kaguluhan ang mga OFW’s sa nasabing bansa.

“While we acknowledge the repatriation efforts and strategies of the Department of Foreign Affairs and Department of Migrant Workers to bring home around 700 Filipinos living and working in Sudan, we urge the government to explore more avenues of safely and immediately extricating them from the area,” sabi ni Magsino.

Nauna rito, hinikayat ng mambabatas si Pangulong Marcos, Jr. na mag-explore o maghanap ng iba pang alternatibo para ligtas na maibalik o maiuwi ng Pilipinas ang mga Pilipinong manggagawa sa Sudan.

Muling binanggit ni Magsino ang tinatawag na “urgency” upang mailikas sa lalong madaling panahon ang OFWs na hindi malayong madamay sa kaguluhan.