Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino

OFW Party List optimistiko na maipapasa na ng Kamara ang internet voting para sa mga OFWs

Mar Rodriguez Apr 25, 2024
156 Views

OPTIMISTIKO si OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na maipapasa na ng Kamara Representantes upang tuluyang maisabatas ang House Bill No. 6770 o ang “Internet Voting” para sa mga Overseas Filipino Woekrs (OFWs) bago mag-sine-die adjournment ang session ng Kongreso.

Ipinaliwanag ni Magsino na layunin ng HB No. 6770 na gawing madali o magaan para sa mga OFWs kabilang na ang mga Overseas Filipinos (OFs) na makalahok sa anomang eleksiyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng e-mail, mobile phones, web-based portals at iba pang internet base technology.

Ayon kay Magsino, sa oras na maisabatas ang kaniyang isinulong na panukalang batas mas magiging madali na para sa mga OFWs ang makasali sa okasyon ng halalan sa Pilipinas at hindi na nila kailangan pang magtungo sa Embahada para lamang maglagak ng kanilang boto.

“Mas magiging magaan na ang buhay ng ating mga OFWs sa kanilang pakikilahok sa eleksiyon dahil hindi na sila kailangang umalis sa kanilang trabaho para lamang bumoto. Dahil kahit sila ay naglalaba, nagwawalis o kaya ay nasa karagatan. Maaari na silang bumoto,” sabi ni Magsino.

Gayunman, sinabi pa ni Magsino na sa kasalukuyan ay pumapasa na sa Committee level ang kaniyang panukala at inaasahang maisasalang naman ito sa Plenaryo para maipasa sa ikalawang pagbasa sa pagpapatuloy ng session ng Kamara de Representantes sa April 29, 2024.

Idinagdag pa ni Magsino na hihintayin na lamang nila na maipasa sa second reading ang HB No. 6770 sa resumption ng session ng Kongreso sa susunod na linggo. Kung saan, ipinahayag pa nito na magiging madali na ang third reading hanggang sa tuluyan ng pumasa ang nasabing panukala.

“Nakapasa na ang panukala sa Committee level. So ngayon maghihintay na lamang tayo ng second reading sa pagbabalik ng session ng Kongreso. Pagkatapos ng second reading, then madali na ang third reading tapos pupunta na ito sa Senado and kapag nagkaroon ng BICAM at nagkasundo ang House at Senado, makakarating na ito kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr,” wika pa ni Magsino.

Dahil dito, binigyang diin pa ng kongresista na malaki ang kanilang pag-asa o mayroon silang “high-hopes” na matatapos ang HB. No. 6770 bago matapos ulit ang session ng Kamara de Representantes.

“We have very high-hopes na puwede na itong matapos bago na ulit mag-recess ang Kongreso para sa SONA, definitely we have high-hopes.

We are very positive about that. Kasi, pinag-usapan na namin ito before pa, sa umpisa pa lamang. Kumbaga, ang dami na lang issue na natabunan na ito,” ayon pa kay Magsino.