Magsino

OFW Party List pinalakas suporta para sa mga OFWs sa Tarlac

Mar Rodriguez Feb 16, 2025
69 Views

Magsino1Magsino2Magsino3Magsino4TARLAC – DINAYO ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang lalawigang ito bilang bahagi ng kaniyang kampanya kasunod ng pagpapatibay ng kaniyang paninindigan patungkol sa pagbibigay ng serbisyo para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Tiniyak ni Magsino na sakaling siya’y mabibigyan ng pagkakataon na muling manilbihan sa Kamara de Representantes bilang Kinatawan ng mga OFWs at mga migranteng manggagawa, lalo pa nitong pagtitibayin ang kaniyang paglilingkod para sa nasabing sektor.

Naglunsad din ng serye ng pagpupulong ang OFW Party List na ginanap sa tanggapan ni Pura Mayoralty Candidate Jonar Tabaquin kung saan nakipag-ugnayan si Magsino sa mga lokal na opisyal ng Unang Distrito ng Tarlac kabilang na si Mayor Iluminado Pobre, Jr.

Sinabi ni Magsino na ang pangunahing tinalakay sa ginanap na pagpupulong ay ang mga programang isususlong nito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na naglalayong maprotektahan ang libo-libong OFWs kasama na ang kanilang pamilya.

Ayon kay Magsino, napakalaking hamon ang kasalukuyang kinakaharap ng mga OFWs at kanilang pamilya kabilang na dito ang isyu ng repatriation mula sa Estados Unidos dahil sa ipapatupad ng immigration policy, welfare assistance at pangkabuhayan.

Ipinahayag pa ng kongresista na isang malaking hamon para din sa kaniya ang pagsisilbi sa pangangailangan ng mga OFWs partikular na ang mga problemang kinakaharap ng mga ito sa ibang bansa.

“Sa pakikisalamuha ko sa mga OFWs sa labing-isang host countries na aking nabisita. Direkta nating nalaman ang kanilang mga pangangailangan. Kaya sisikapin natin na sila ay ating matulungan kung muli tayong mabibigyan ng pagkakataon,” wika ni Magsino.

Ipinahayag naman ng mga Tarlaceno sa pangunguna ni Tabaquin at iba pang lokal na opisyal ang kanilang solidong suporta sa adbokasiyang isinusulong ng OFW Party List kung saan ipinaabot din nila ang kanilang kahandaan na tulungan si Magsino.

Lumahok din si Magsino sa ginanap na inagurasyon ng ng solar-powered irrigation system sa Barangay Sula, San Jose Tarlac kasama si Tarlac Rep. Christian Yap. Ang nasabing proyekto ay naglalayong palakasin ang sektor ng agrikultura at tiyakin na mayroong sapat na suplay ng tubig para sa mga magsasaka.