Magsino

OFW Party List pinayuhan mga OFWs na lumahok sa Overseas Internet Voting sa Mayo

Mar Rodriguez Feb 22, 2025
18 Views

PINAALALAHANAN ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang mga overseas voters partikular na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang na ang mga Filipino seafarers na lumahok sa kauna-unahan at makasaysayang Overseas Internet Voting na magaganap sa darating halalan sa Mayo.

Ayon kay Magsino, inihayag mismo ng Commission on Elections (COMELEC) na nakahanda na ang mga gagamiting mekanismo o voting machines para sa maituturing na makasaysayang internet voting na gaganapin sa 77 foreign posts sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.

Sabi ni Magsino na sa pamamagitan ng OIV ay maaari nang bumoto ang mga overseas Filipino voters gamit ang kanilang tablet, laptops at mobile phones kung saan hindi na kakailanganin pang gumugol ang mga OFWs ng napakahabang oras at panahon para lamang makaboto.

Nabatid pa sa kongresista na inilabas din ng COMELEC ang pre-voting enrollment period para sa mga rehistradong overseas voters mula Marso 10 hanggang Mayo 7, 2025. Kung saan, maaari aniyang mag-enroll ang mga botanteng OFWs gamit ang internet-cable device, voting kiosks sa mga Embahada at Konsulado ng Pilipinas.

“Muli tayong nananawagan sa ating overseas voters na lumahok sa kauna-unahang at makasaysayang internet voting. Ito’y ating ipinaglaban, kasama ang COMELEC dahil batid natin ang hirap ng ating mga OFWs at seafarers sa pagboto tuwing halalan dahil sa oras at layo ng polling places,” paliwanag ni Magsino.

Kasabay nito, nakipagpulong si Magsino sa hanay ng Indigenous People Leaders sa San Jose City, Nueva Ecija upang talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mga katutubo kabilang dito ang access sa mga programang kinakailangan ng mga katutubo.

Sinabi pa nito na hindi lamang mga OFWs ang kaniyang pinaglilingkuran kundi pati narin ang iba pang sektor ng lipunan.