OFW Party List sa Kongreso nagpa-uwi ng 8 OFWs mula sa Laos na biktima ng illegal recruitment

Mar Rodriguez Dec 2, 2022
231 Views

INIHAYAG ngayon ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na walong OFWs ang kanilang pinauwi sa Pilipinas mula sa bansang Laos na biktima ng malawakang illegal recruitment na kinasasangkutan ng “Golden Triangle”.

Sinabi ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na walong manggagawang Pilipino mula sa Laos ang napauwi nila ng ligtas at maayos sa Pilipinas sa tulong narin ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Nauna rito, nabatid kay Magsino na dumulog para humingi ng tulong sa kaniyang tanggapan ang mga nasabing OFWs na naging biktima ng ilegal recruitment na kinasasangkutan ng “Golden Triad” isang grupo ng sindikato na sangkot sa iba’t-ibang illegal na gawain.

Ayon kay Magsino, ang walong OFWs ay nakalusot palabas ng bansa patungong Laos dahil kasabwat ng kanilang recruiter ang ilang tauhan sa loob ng Bureau of Immigration (BI).

Sinabi pa ng kongresista na ang walong OFWs ay pinangakuan ng maayos na trabaho, malaking sahod, libreng pabahay at maayos na pagkain. Subalit hindi aniya ganoon ang naging sistema alinsunod sa ipinangako sa kanila ng ksanilang recruiter.

Sa halip, ipinaliwanag pa ni Magsino na ang mga nasabing OFWs ay dinala sa iba’t-ibang bansa sa Southeast Asia at pinasok bilang mga “scammers” at sa iba pang illegal na negosyo na pinatatakbo ng “syndicate group” na tinaguriang “Golden Triad”.

Ikinuwento pa ni Magsino na hindi nakuha ng mga OFWs ang kanilang suweldo. Bagkos, pinagtangkaan pang kuryentehin ang mga ito nang minsang mahuli silang humihingi ng tulong sa Philippine Embassy.

Bukod sa tulong sa repatriation, idinulong din ng OFW Party List Group sa Kongreso sa DMW na mapabilang ang walong OFWs sa Reintegration Program ng nasabing ahensiya.