Magsino

OFW Party List umangat sa survey ng SWS bilang voter’s preference sa mid-term elections

Mar Rodriguez Feb 3, 2025
14 Views

BUNSOD ng magandang performance ng OFW Party List sa Kamara de Representantes. Ibinida ni Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino na umalagwa ang Party List bilang “voter’s preference” patungkol sa paparating na mid-term elections alinsunod sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) ngayong 2025.

Ayon kay Magsino, nagkaroon ng “significant leap” ang OFW Party List matapos magsagawa ang SWS ng “Pre-Election Survey” kung saan umakyat ang Party List sa rank number 14 ngayong taon mula sa dating rank nitong number 29 noong nakaraang Disyembre 2024.

Sinabi ng kongresista na umarangkada din ang “voter’s preference” para sa OFW Party List mula sa dating 0.97% ay umakyat ito ng 1.49% na nagpapakita ng malakas na public awareness at suporta ng publiko bunsod ng adbokasiyang isinusulong ng OFW PL.

Optimistiko naman si Magsino na muli nitong masusungkit ang ikalawang termino bilang Kinatawan ng OFW Partty List sa Mababang Kapulungan pagkatapos ang pagdaraos ng mid-term election sa Mayo.

Ipinahayag pa ni Magsino na ang maganda at paborableng resulta ng SWS survey ay positibong indikasyon na malaki ang kaniyang tiyansa na muli nitong maipagpapatuloy sa Kamara de Representantes ang mga adbokasiyang isinusulong nito para sa kapakanan at interes ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Dahil dito, naniniwala ang mambabatas na ang magandang performance ng OFW Party sa loob ng Kongreso ang posibleng nagpalakas ng public awareness at public support dahil sa pagsusulong nito ng Magna Carta for Seafarers, internet voting, repatriation assistance, anti-human trafficking at iba pang kahalintulad nitong adbokasiya.