Calendar
OFWs na ginawaran ng pardon sa UAE hiniling ni Magsino kay PBBM ang agarang repatriation, reintegration
HINIHILING ni OFW Party Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang agarang “repatriation at reintegration” ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nabigyan o ginawaran ng pardon sa United Arab Emirates (UAE).
Sa kaniyang privilege speech sa Plenaryo ng Kamara de Representantes, binigyang diin ni Magsino ang kahalagahan ng pagpapalakas at pagpapa-igting ng support system mula sa pamahalaan para matulungan ang mga OFWs na kasalukuyang nakakulong sa ibayong dagat.
Sinabi ni Magsino na ang pardon ay ipinagkaloob ni UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan para sa mga OFWs na nakulong sa nasabing bansa na isinabay naman sa pagdiriwang nito ng kanilang ika-53 National Day noong nakalipas na Disyembre 2, 2024.
Binanggit din ng kongresista na ang mga OFWs o Pinoy Migrant workers na nakalaboso sa UAE ay nasangkot sa iba’t-ibang kaso na kinabibilangan ng drug-cases, theft at immigration violations gaya ng overstaying o pagtatago na mas kilala bilang TNT.
Ipinahayag pa ni Magsino na ang iginawad na pardon para sa mga OFWs ay resulta ng matatag at matibay na “diplomatic relations” sa pagitan ng Pilipinas at UAE sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs (DFA) bunsod ng masusing pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa counterpart nito na UAE Ministry of Foreign Affairs.
Sabi ni Magsino na ipinabatid ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi at Consulate sa Dubai na sasagutin ng UAE government ang mga dapat bayaran para sa deportation ng mga OFWs kasama dito ang pasahe pabalik ng Pilipinas. Habang 67 Pinoy lamang na na-pardon ang nakatanggap ng kanilang travel documents.
Sa talumpati ng mambabatas, muling idiniin nito ang pagsusulong ng ibayong reintegration program para sa mga na-pardon ng OFWs kasabay ng kaniyang pahayag na hindi lamang tungkulin ng pamahalaan ang pagtitiyak na sila’y makakabalik ng bansa kundi ang paninuguro din na magkakaroon sila ng kabuhayan pagbalik sa Pilipinas.
“Pinakamahalaga sa lahat ay ang pag-ayuda sa ating pardoned OFWs sa hamong makabangon at makapag-simulang muli pagbalik nila ng Pilipinas. Kung nakakapagpatawad ang mga dayuhan sa mga Pilipinong nagkamali sa kanilang bansa. Lalo’t higit tayong may kapasidad na ibigay ang biyaya ng kapatawaran sa mga kapwa nating Pilipino,” sabi ni Magsino sa kaniyang privilege speech.