Calendar
Ogie, willing mag-ninong sa PauNine
Grabe ang pangangantyaw na natanggap nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez mula sa entertainment press sa ginanap na online mediacon para sa OA sa Love in the USA concert tour topbilled by Ogie Alcasid.
Guest ang PauNine sa nasabing US concert tour at talagang ginisa’t kinulit-kulit sila ng press. Maging si Ogie nga ay panay din ang tukso sa dalawa.
Napunta na nga ang usapan sa pagni-ninong ni Ogie sa dalawa kung sakaling magpakasal ang mga ito sa US.
Aniya, of course ay willing na willing siya.
‘Yun nga lang, hindi talaga napaamin ang PauNine na may relasyon sila tulad ng napapabalita.
Kahit iba-ibahin ang tanong, kahit ano pang pangungulit sa kanila, ang talagang lagi nilang iginigiit ay magkaibigan lang sila.
Ayon kay Paulo, may mga bago siyang gagawing project ngayon kaya work ang kanyang pinagkakaabalahan.
Pero may pasakalye naman siyang “pupunta naman kami sa US, so we’ll see.”
Para kay Janine naman, basta happy siya na nakatrabaho niya si Paulo sa Marry Me, Marry You, ang first soap niya sa ABS-CBN.
Sey pa ni Janine, masaya rin siya na nagpatuloy pa ang communication nila ni Pau kahit tapos na ang kanilang serye.
Ang nakakatuwa, ayon kay Ogie, nakaka-relate siya sa pagde-deny ng PauNine dahil sila man ni Regine Velasquez ay super deny din sa kanilang relasyon noon.
“Hindi ko rin naman sila (PauNine) masisi kung gusto muna nilang sikretuhin ‘yan kasi ang sarap kaya nu’n na kayo lang ang nakakaalam, ’di ba?” sey ni Ogie habang panay ang tawa ni Paulo.
“So, naiintindihan ko ‘yun kung ganu’n ang sitwasyon. But at the same time, they keep us guessing which adds to the intrigue. Malay natin. Hindi natin talaga alam kung anong nangyayari. Pero naiintindihan ko talaga,” dagdag pa ni Ogie.
So, may feeling din ba siya na sina Pau at Janine na?
“Ako, sa totoo lang, hindi ko alam. Pero alam kong may gusto sila sa isa’t isa. ‘Yun ang nararamdaman ko. ‘Yun ang pakiramdam ko. ‘Di ko alam kung tama ‘yung nararamdaman ko. Eh ‘yun ang energy na nakukuha ko, eh,” sagot ni Ogie.
Samantala, sa naturang mediacon ay natanong na rin si Paulo kung dadalawin na rin ba niya ang anak niya kay LJ Reyes na si Aki sa New York kapag nagpunta sila ng US.
“Opo. Actually, na-mention ko na sa Mommy niya. Tinatanong lang kung ano ‘yung dates pero andu’n na rin ako, might as well see my son. I haven’t seen him since they left,” sey ni Paulo.
Dagdag pa niya, “Excited na rin akong makausap ang anak ko kasi nag-i-school na rin do’n and everything.”
Asked kung isasama ba niya si Janine sa pagbisita kay Aki, ibinalik ni Paulo ang tanong sa aktres.
“Gusto mong sumama sa New York?” tanong ni Pau.
Pero nang seryosong tanungin ang aktres ng press, aniya ay hindi pa niya napagpaplanuhan ang mga activity niya sa US other than the concert.
Samantala, excited ang tatlo sa kanilang US concert tour, lalo na si Ogie, dahil after two years ay muli siyang makakapag-live concert sa labas ng bansa.
Siyempre, dahil nasa pandemic pa rin tayo ay hindi raw mawawala ang pangamba o paranoia pero kailangan naman nating mag-move-on sa ating mga buhay at siguraduhin na lang na maging maingat at all times at sundin ang mga health protocol.
Ang OA sa Love in the USA ay gaganapin sa following dates and venues: March 26, Alex Theater, Glendale; April 2, Sycuan Casino, San Diego; and April 3, Moronggo Casino, Cabazon.