Dong

Zia, fan ng TikTok sensations

Ian F Fariñas Mar 15, 2022
234 Views

NAPAKA-COOL dad talaga ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes dahil nang tanungin kung sino ang dream family guests niya sa nalalapit na Family Feud, binanggit nito ang TikTok sensations na sina Niana at Ranz at Kaycee at Rachel.

Paliwanag ni Dong sa virtual mediacon para sa game show na siya muli ang host, eh, halos araw-araw niyang napapanood ang dalawang pares sa YouTube dahil big fan ng mga ito ang panganay nila ni Marian Rivera na si Zia.

Sigurado si Dong na sobrang matutuwa si Zia ’pag natupad ang wish niyang iyon at sa malamang ay isama pa niya ito sa taping ng Family Feud para manood nang live.

Speaking of his own family, naikwento rin ni Dong sa digicon ang sorpresang pagdalaw ng kanyang mag-iina (Yan, Zia at Sixto) sa Family Feud studio habang nagte-tape sila ng second to the last episode.

Tuwang-tuwa nga raw siya at gulat na gulat nang makita ang tatlo dahil matagal na panahon na nang huling bumisita si Zia sa kanyang trabaho.

First time ’yon ni Sixto na makatungtong ng studio kaya happy si Dong na may ideya na ito ngayon kung ano ang kanyang ginagawa kapag nagtatrabaho.

Sa edad na two going three, halos nakulong nga naman si Sixto sa bahay dala ng Covid-19 restrictions.

Kulang na nga lang daw, eh, sabihin ni Dong na maglaro na sila ng Family Feud nu’ng taping.

Pati raw ang smoke effect sa set, hindi nakaligtas sa pansin ni Sixto at hanggang pag-uwi, ito ang binabanggit kay Dong.

Anyway, magsisimula na ang banggaan ng mga pamilya sa Family Feud ng Kapuso network mula Lunes hanggang Biyernes sa Marso 21, bago mag-24 Oras.