Bayani, Pasok sa ‘Masked Singer Pilipinas’ season 2

Ian F Fariñas Mar 15, 2022
255 Views

MATAPOS ang successful first season run ng Viva TV at TV5 reality singing competition na Masked Singer Pilipinas, muling nagbabalik ang barkadahan ng host na si Billy Crawford at judge detectives na sina Aga Muhlach, Cristine Reyes, Kim Molina, Matteo Guidicelli at ang bagong dagdag na si Bayani Agbayani para sa ikalawang season ng programa.

Sa katatapos na virtual mediacon para sa Masked Singer Pilipinas Season 2, kitang-kita ng press kung gaano na kalalim ang pagsasamahan ng grupo sa kanilang walang tigil na mga kulitan at kantyawan.

Siyempre, masaya ang grupo ni Billy dahil sa tagumpay ng MSP Season 1.

Aniya nga, “Buong Pilipinas ang nakisaya at nakisama sa hulaan.”

Kaya naman ngayong Season 2, mas pinalaki pa ang programa dahil hindi na lang 12 ang celebrity singers na kalahok sa pahulaan, kundi 16 mystery voices na suot ang iba’t ibang costumes habang nagpe-perform.

Sabi nga ng season slogan nito: “Mask marami, mask masaya ang hulaan!”

Matatandaan na ang acoustic singer na si Daryl Ong ang tinanghal na grand champ ng season 1. Kabilang naman sa mga nakalaban niya sina Katrina Velarde, Joey Generoso, Wency Cornejo, Lolita Carbon, atbp.

Ang premiere episode ng MSP second season ay magsisimula nang mapanood sa March 19, 6 p.m., sa Kapatid channel TV5.