Dolor

OMSDH tumanggap ng P7.2M kagamitang medikal

Helen D. Prado Aug 22, 2026
161 Views

ROXAS, Oriental Mindoro–ITI-nurn over noong Agosto 20 ang mga bagong kagamitang medikal na nagkakahalaga ng P7.2 milyon sa Oriental Mindoro Southern District Hospital (OMSDH).

Bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa mga pampublikong pasilidad ng lalawigan ang donasyong medical kits.

Pinangunahan ni Gob. Humerlito “Bonz” A. Dolor, asawang si Hiyas Govinda, ang turnover ng mga kagamitang binili ng pamahalaang panlalawigan sa mga ospital ng buong lalawigan.

Kabilang sa mga ipinagkaloob sa OMSDH ang 7 hospital beds para sa mga batang pasyente, 2 ECG machines, 1 cardiac monitor, 1 cardiotocography machine, 1 ultrasound machine at 1 mechanical ventilator para sa mga matandang pasyente

Nagpasalamat si Dr. Jocel Caranzo, chief of hospital ng OMSDH, sa mga donasyon at binigyang‑diin na malaking hakbang ito upang mas mapaganda, mapabilis at mapalawak ang serbisyong nakukuha ng publiko, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang pangangalaga.

“Mahalagang maramdaman ng bawat pasyente na sila ay inaalagaan, pinahahalagahan at hindi pinababayaan habang nagpapagamot sa ating mga pampublikong ospital,” pahayag ni Gob. Dolor.

“Gawing way of life ang paglilingkod. Kapag masaya ka sa paglilingkod, makikita mong hindi na ito trabaho lamang kundi isang tungkulin na ginagawa mo ng buong puso,” dagdag ng gobernador.

Saksi sa okasyon sina Provincial Health Officer II Dr. Cielo Angela Ante, mga doktor at kawani ng OMSDH, Roxas Vice Mayor Robert Quiatchon at iba pang opisyal ng pamahalaan.