Suicide

Online gambling hiniling gipitin

295 Views

ILANG mambabatas ang nagpahayag ng matinding pag-aalala sa lumalalang problema ng online gambling sa Pilipinas. Binanggit nila ang masamang epekto nito sa kalusugang pangkaisipan, katatagang pinansyal ng mga pamilya, at sa kaayusan ng lipunan. Nagsusulong ang ilang senador ng mas mahigpit na regulasyon, habang ang iba ay nananawagan ng ganap na pagbabawal.

Binigyang-diin ni Senadora Risa Hontiveros ang mabigat na epekto ng online gambling sa mga pamilyang Pilipino. Aniya, patuloy ang pagdagsa ng mga sumbong sa kanyang opisina mula sa mga taong may mahal sa buhay na nalululong sa sugal.

“These are reports of loved ones who have become addicted, buried in debt, and who’ve taken their own lives due to this vice,” pahayag ni Hontiveros. Naghain siya ng panukalang batas na layong higpitan ang access sa online gambling, lalo na sa pamamagitan ng mga e-wallet at super apps. Nanawagan din siya sa mga kumpanyang teknolohikal na magpatupad ng self-regulation. “What’s clear is that our laws are being left behind by the rapid pace of technology,” dagdag pa niya. “We also need to act together.”

Samantala, ipinahayag ni Senador Sherwin Gatchalian ang suporta sa mga hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang pigilan ang transaksyong may kinalaman sa online gambling.

Kabilang dito ang bagong limitasyon sa paggasta at mas mahigpit na proseso ng beripikasyon. Gayunman, iginiit niyang hindi ito sapat at dapat nang ipasa ang panukala niyang tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa.

“He renewed his call for the passage of his bill seeking to ban online gambling in the Philippines altogether,” saad ng kanyang opisina. Dagdag niya, “Kailangang magkaisa ang lahat ng sangay ng gobyerno para sugpuin ang salot ng online gambling.”

Ipinaliwanag naman ni Senadora Pilar Pia Cayetano ang pangangailangang tingnan ang isyu sa mas malawak na pananaw. Pinuri niya ang mga hakbang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at PAGCOR sa pagtanggal ng online gambling content at advertisement. Aniya, ang online gambling ay isang “silent epidemic” na tahimik na sumisira sa mga tahanan, paaralan, at lugar ng trabaho.

Naghain siya ng “Ban on Online Gambling Act,” na layong ipagbawal ang naturang aktibidad, limitahan ang promosyon nito sa social media, at papanagutin ang mga e-wallet provider. “Students are gambling away their allowances, employees are placing bets during work hours,” ani Cayetano. “Let us not allow this vice to quietly take root in our daily lives.”

Samantala, nagpahayag rin si Senador Joseph Victor JV Ejercito ng suporta sa mas mahigpit na regulasyon, at bukas siyang isaalang-alang ang total ban kung kinakailangan. Tinukoy niya ang papel ng e-wallet sa pagsusugal: “Ang e-wallet ay ginawa para padaliin ang buhay ng mga Pilipino, hindi para maging enablers ng sugal at utang.” Iginiit niyang tungkulin ng gobyerno na kumilos kung ang isang teknolohiya ay nagiging sanhi ng adiksiyon.