Ridon

SC hinimok ibasura mga petition laban sa impeachment proceedings

326 Views

HINIMOK ng dalawang mambabatas ang Korte Suprema na ibasura ang mga petisyong kumukuwestiyon sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at iginiit na sumunod ang Kamara sa itinatakda ng Konstitusyon at umiiral na jurisprudence.

“Dapat mabasura ultimately itong kaso na ito,” ani Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na tumutukoy sa petisyong kumukuwestiyon sa pagsusumite ng Kamara ng Articles of Impeachment sa Senado.

“Ang talagang magkakaroon lang ng one-year ban rule ay itong tumuloy na impeachment complaint kung saan nagkaroon ng direct na plenary action. 215 Congressmen approved the Articles of Impeachment and transmitted it to the Senate on the same day,” dagdag pa ni Ridon.

Ginawa ni Ridon ang pahayag ilang araw matapos utusan ng Korte Suprema ang Kamara at Senado na magsumite ng mga detalye kaugnay ng unang tatlong impeachment complaint na inihain laban kay VP Duterte.

Ang mga reklamong ito ay hindi ipinadala sa House committee on justice kundi isinama sa ikaapat na impeachment complaint na sinuportahan ng 215 kongresista, lagpas sa kinakailangang one-third o 102 miyembro.

“Well, tingin natin ang magiging tanong ng SC ay particularly do’n sa first three complaints. Ang susunod which is the requirement under Gutierrez and under Francisco, nagkaroon ba ng referral to the House committee on justice? I think the facts are clear, there was never a referral to the House committee on justice,” aniya.

Sumang-ayon naman si Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution panel, sa pananaw ni Ridon, at iginiit na ang proseso na sinunod ng ika-19 na Kongreso ay regular at naaayon sa batas.

“Definitely, dahil sa aking paniniwala, lahat naman ng sangkap, lahat naman ng proseso ay dinaanan naman sa House,” ani Chua.

Tinukoy ni Chua ang mga jurisprudence na nagpapahintulot sa pagsasama-sama ng mga reklamo bago ito i-refer sa komite.

“Dito pinapayagan na i-collate muna lahat ng impeachment complaint bago i-refer ito,” aniya.

“Dahil unang-una kung gano’n magiging batayan natin kung sinong unang magsa-submit, ang mangyayari no’n parang magiging paunahan na lang,” dagdag pa niya.

Itinuro ni Ridon na tanging ang ikaapat na reklamo lamang ang tumupad sa itinatakdang pamantayan ng Konstitusyon.

“Ito po ‘yung pagkakaroon ng one-third filing ng House members to the House Secretary General, ito po ‘yung nangyari sa fourth impeachment complaint,” aniya.

“So basically, ‘yung rekisito in jurisprudence and in the Constitution ay buong-buo at tama na-comply ng 19th Congress,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Chua na ang naging hakbang ng Kamara ay katulad ng mga naunang impeachment.

“Ito ay hindi lamang first time na nangyari. Ito’y nangyari na rin do’n sa impeachment ng dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada. Meron tayong tinatawag na presumption of regularity o legality,” paliwanag niya.

Nagbabala rin siya laban sa paggamit ng referral rule bilang taktika upang hadlangan ang mga lehitimong impeachment complaint.

“Halimbawa, ako, kakampi ako ng presidente, every year na lang magpa-file ako kahit na walang kakwenta-kwentang impeachment. Para at least ma-meet ko ‘yung one-year ban,” ani Chua.

Samantala, binigyang-diin ni Ridon ang kahalagahan ng impeachment proceedings, lalo na sa bigat ng mga paratang.

“Ang pinag-uusapan natin dito accountability sa usapin ng paggamit ng confidential funds. Pinag-uusapan natin dito accountability sa threats laban sa Pangulo, laban sa First Lady, laban sa House Speaker ng ating bansa,” aniya.

Muli niyang pinagtibay ang malakas na mandato sa likod ng aksyon ng Kamara.

“Malinaw po ang paninindigan ng 215 representatives ng 19th Congress,” ani Ridon.

“Ang bilang po nito ay almost 70% ng kabuuan po ng mga kinatawan ng Kongreso na naninindigan na kailangan pong i-impeach ang ating VP,” dagdag pa niya.

Ayon sa dalawang mambabatas, kumpiyansa silang sa huli ay papanigan ng Korte Suprema ang naging aksyon ng Kamara sa impeachment complaint.