Calendar
Manila 3rd District Rep. Joel Chua
OVP may Notice of Disallowance pa rin

HINDI umano mabubura ng “unmodified opinion” ng Commission on Audit (COA) sa financial statements ng Office of the Vice President (OVP) ang naging pagkuwestyon kung papaano ginastos ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang pondo nito.
Sa isang press conference, sinabi nina Manila 3rd District Rep. Joel Chua at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi dapat malinlang ang publiko sa paniniwalang ang isang unmodified o unqualified audit opinion ay nangangahulugan na tama ang ginawang paggastos ng pondo.
“Hindi naman po,” sagot ni Chua nang tanungin kung ang audit rating ay may epekto sa mga natuklasan ng House committee on good government and public accountability, na kanyang pinamunuan noong nakaraang ika-19 na Kongreso.
Dagdag pa niya: “Dahil unang-una, hindi porke’t sinabing unmodified ibig sabihin wala nang problema. Dahil kung wala pong problema ‘yung pagkakagamit po ng pondo ng OVP, ‘di sana hindi rin po naglabas ng Notice of Disallowance ang COA.”
Binigyang-diin ni Chua na ang mga isyung binanggit sa impeachment complaint ay nakabatay sa mga katotohanang inilatag sa mga pagdinig sa Kongreso at sinuportahan ng mga ulat ng COA.
“Maliwanag naman po ang ating naging mga issue sa ating impeachment complaints, sa mga articles, eto po’y nilatag natin. Ang pinakamaganda po dito ay sagutin po nila nang maayos,” aniya.
Sinang-ayunan ni Ridon ang mga pahayag ni Chua at ipinaliwanag ang teknikal na kahulugan ng audit opinion ng COA.
“Ang ibig sabihin po ng unmodified opinion, or unqualified opinion, ay ‘yung financial statements are prepared in all material respects, in accordance with the applicable financial reporting framework. So basically, sumunod ka lang do’n sa framework kung paano dapat ino-audit ‘yung ahensya,” paliwanag ni Ridon.
Binigyang-diin niya na ang opinyong ito ay hindi nangangahulugang wala nang iregularidad na natuklasan sa mga hiwalay na aksyon ng COA.
“Hindi ibig sabihin no’n ‘yung Notice of Disallowance doesn’t exist. ‘Yung P73 million na pinasasauli ay pinasasauli pa rin po hanggang sa araw na ito. Ibang ruta ‘yun, ibang batayan kung bakit po may gano’n pong Notice of Disallowance na ibinigay dito po sa OVP,” aniya.
Nang tanungin kung maaaring gamitin ng kampo ng Pangalawang Pangulo ang unmodified opinion bilang depensa laban sa impeachment charges, sinabi ni Chua na hindi nito pinawawalang-sala ang OVP sa pananagutan.
“Sa akin pong paniniwala, hindi po,” ani Chua. “Dahil papaano po nila ipaliliwanag kung paano nila ginamit o ginasta ‘yung P125 million in 11 days? Kahit hindi naman tayo auditor, kahit hindi naman tayo COA, tingin ko naman po hindi naman kinakailangan maging matalino para masabi na ito’y may problema o wala.”
Itinuro naman ni Ridon na ang ilang ebidensiya, kabilang ang kaduda-dudang paggasta sa mga tinaguriang “safe houses,” ay nagpapakita ng nakakabahalang larawan ng paggamit sa pondo ng OVP.
“Again, babalikan din natin ‘yung ilan sa mga ebidensiya, particularly do’n sa paggamit po ng mga safe houses,” ani Ridon. “Ang pinag-uusapan ho natin sa safe houses dito, ang presyo ng upa para nga presyo ng upa sa mga exclusive na village, sa mga condo sa BGC—P450,000, P500,000 per month.”
Aniya, masyadong mataas ang mga halagang ito kumpara sa karaniwang halaga ng upa sa mga safe house ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas o intelligence agencies.
“Ba’t hindi naman ata gano’n ‘yung upa sa ganito pong klase ng mga safe houses po natin,” dagdag niya.
Muling iginiit ng dalawang mambabatas na ang mga red flag na ito ay dapat masagot sa impeachment trial sa Senado, at hindi dapat gamitin ang audit opinion upang ilihis ang atensyon sa mga pangunahing isyu ng pang-aabuso, maling paggamit ng pondo, at kawalan ng pananagutan sa paggatos ng pera ng taumbayan.

