Mendoza

Online glitch pinaiimbestigahan ng LTO chief

Jun I Legaspi Oct 31, 2024
94 Views

INUTOS ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang imbestigasyon sa aberya ng online platform ng ahensya noong Oktubre 30 na nakaapekto sa libu-libong kliyente sa buong bansa.

“On behalf of the men and women of the LTO, I apologize for the service disruption of our Land Transportation and Management System (LTMS).

We already have the initial report but I want to have a detailed explanation as to why this incident happened,” ani Assec Mendoza.

Nagsimula ang pagkaantala ng operasyon ng LTMS bandang alas-7:00 ng umaga matapos ang sunod-sunod na ulat ng kawalan ng access.

Agad namang ipinaalam ng mga IT expert ng LTO ang insidente sa Dermalog, ang tagapangalaga ng LTMS, upang tukuyin ang sanhi ng aberya at agad na maresolba ito.

Habang isinasagawa ang troubleshooting ng internet provider, kinumpirma na ang problema dahil ng koneksyon sa internet.

Sa pagsusuri sa paligid ng LTO Central Office, natuklasan na naputol ang pangunahing linya na nagkokonekta sa LTMS center patungo sa internet.

Nagpadala ng mas maraming tauhan ang internet service provider na PT&T upang ayusin ang problema at alas-6:32 ng gabi noong Miyerkules muling naging accessible ang LTMS.

Sinabi ni Assec Mendoza na inatasan niya ang LTO-Intelligence and Investigation Division na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung sinadyang putulin ang internet cable na kumokonekta sa LTMS Data Center.

“We are looking into all angles behind this incident. On the other hand, we are now taking additional measures to prevent the repeat of this unfortunate incident,” ani Assec Mendoza.

Inatasan din ni Assec Mendoza ang lahat ng kaugnay na yunit na paigtingin ang seguridad sa lahat ng pasilidad ng LTO.