Calendar
Operasyon ng WESM pansamantalang isususpendi
INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kumilos na ang Energy Regulatory Commission na pansamantalang isuspendi ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi nito na ang hakbang ng ERC ay bunsod na rin ng El Niño o matinding init ng panahon kung saan tumataas ang konsumo sa kuryente.
Ayon kay Pangulong Marcos, suspendido ang operasyon ng WESM tuwing magdedeklara ng red alert ang system operator ng National Grid Corporation of the Philippines.
“Dahil sa matinding init, tumataas ang konsumo ng kuryente na nakakadagdag sa pag-akyat ng presyo. Kahapon lamang ay kumilos na ang Energy Regulatory Commission o ERC upang pansamantalang isuspende ang operasyon ng tinatawag na Wholesale Electricity Spot Market o WESM kapag may idineklarang Red Alert ang System Operator o NGCP. Ito ay naglalayon na pigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa gitna ng kalamidad na dulot ng El Niño,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na marami nang ginagawang hakbang ang gobyerno para maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng kuryente at ng mga bilihin.
Sapat naman aniya ang suplay ng kuryente at ng mga bilihin sa bansa.
Tiniyak pa ni Pangulong Marcos na may tulong pinansyal ang gobyerno sa mga residenteng matinding naapektuhan ng El Niño.