Calendar
Ortega sa maghanda sa bagyong Inday joke: Oo handa kami
MINALIIT lamang ng mga lider ng Kamara de Representantes ang pahayag ng dating chief of staff ng Office of the Vice President na si Atty. Zuleika Lopez na humimok sa publiko na “maghanda sa Bagyong Inday” bago ang kanyang pagtestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Sinabi iyon ni Lopez sa ambush interview sa Senado. Inaasahan siyang haharap bilang isa sa mga testigo ng House prosecution panel sa muling pagdinig ng impeachment trial sa susunod na linggo.
Nagbiro si House Deputy Speaker at La Union Rep. Francisco Paolo P. Ortega V na nagsabing ang kabilang panig (defense panel) ang dapat maghanda.
“Oo, maghanda rin sila kasi usually ‘pag bagyo wala sila. Kaya baka maghanda rin po sila. Nakahanda naman po kaming lahat,” pahayag ni Ortega.
Sinabi ni San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, isa sa mga impeachment prosecutor, na wala siyang ibang kahulugan na ibinibigay sa pahayag ni Lopez at literal niya itong tinanggap.
“Totoo naman pong may Bagyong Inday, so maghanda po tayo para sa bagyo,” sabi ni Zamora.
Nakatakdang ipagpatuloy ng House prosecution ang presentasyon ng mga ebidensya sa Lunes sa pamamagitan ng testimonya ni Atty. Jeremy Lotoc, regional director ng National Bureau of Investigation (NBI).
Inaasahang haharap si Atty. Lopez sa witness stand upang tumestigo kaugnay ng ikaapat na Artikulo ng Impeachment, na nag-aakusa kay Duterte ng paggawa ng grave threats laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Bilang dating chief of staff ni Duterte, inaasahang magbibigay si Lopez ng testimonya batay sa kanyang personal na kaalaman na may kaugnayan sa presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon.
Nagtungo ang Bise Presidente sa Senado noong ikalawang araw ng paglilitis upang makipagpulong sa kanyang mga abogado, ngunit hindi siya humarap sa Senate impeachment court.
Ayon naman sa PAGASA, ang bagyong Inday, na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong linggo bilang isang super typhoon, ay humina na.
