Pic1 si Office of the Vice President Chief of Staff Atty Zuleika Lopez habang nanunumpang magsabi ng katotohanan sa pagdinig ng Committee on Good Government and Public Accountability sa People’s Center sa House of Representatives Mirerkules. Kuha ni VER NOVENO

OVP chief of staff Lopez kulong sa Kamara hanggang Nobyembre 25

8 Views

NA-CITE in contempt ang chief of staff ng Office of the Vice President na si Undersecretary Zuleika sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee noong gabi ng Miyerkoles kaugnay ng tangka umano nitong paghadlang sa pagdinig kaugnay ng paggastos ng kabuuang P612.5 milyong confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Inaprubahan ng komite, na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang mosyon ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na i-cite for contempt si Lopez dahil sa paglabag sa Section 11(f) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

“So may I move Mr. Chair na nag-violate si Atty. Lopez dito sa ating proceedings or dun sa ating trabaho, due to this Section 11, letter F, undue interference on the conduct of proceedings. May I move to cite Atty. Lopez in contempt,” ani Castro.

Nagdesisyon din ang komite na ikulong si Lopez sa Kamara de Representantes sa Quezon City hanggang sa Lunes, Nobyembre 25 kung kailan muling magsasagawa ng pagdinig ang komite.

Sa ilalim ng Rules ng Kamara ang paglabag sa Section 11F ay may kaparusahan na hanggang 10 araw na pagkakakulong.

Ang contempt ay nag-ugat sa sulat na may petsang Agosto 21 na nilagdaan ni Lopez at para sa Commission on Audit (COA). Hiniling nito sa sulat na huwag sumunod sa subpoena na inilabas ng komite sa mga dokumento na may kaugnayan sa confidential fund ng OVP.

Bagamat sinabi ni Lopez na ang sulat ay ginawa ni OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, inamin naman nito na nilagdaan niya ang sulat.

Si Ortonio ang isa sa apat na opisyal ng OVP na na-cite for contempt na rin dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig. Sila ay ipinaaaresto ng komite.

“Parang siga-siga ba ‘yung Office of the Vice President na utusan ang COA na hindi kami sundin?” tanong ni Castro kay Lopez.

“Mr. Chair, hindi po siga-siga ang OVP. It was really just a respectful request your honor for them to consider our position,” sagot naman ni Lopez.

Punto naman ni Castro, “Dito sa letter na ito, Mr. Chair, may plano talaga ang Office of the Vice President na mag-interfere doon sa ating conduct ng proceedings. Dahil dito Mr. Chair, I’m sorry, Atty. Lopez no, dahil ikaw yung nakapirma dito.”

Hiniling ni Lopez sa komite na irekonsidera ang mosyon at personal na humingi ng paumanhin kay Castro.

Tinanggap naman ni Castro ang paumanhin subalit hindi binawi ang mosyon nito na i-cite for contempt si Lopez.

Ginisa rin ng ibang kongresista gaya nina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez at Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop si Lopez kaugnay ng sulat sa COA.

Paulit-ulit namang sinabi ni Lopez na bagamat siya ay chief of staff wala siyang partisipasyon sa paggatos ng confidential fund pero hindi nito nakumbinsi ang mga kongresista.