P100K pabuya para sa info sa pumatay ng guro sa Laur

Steve A. Gosuico Nov 7, 2025
144 Views

LUNGSOD NG CABANATUAN – Ipinahayag ni Laur Mayor Benjamin A. Padilla na magbibigay ng pabuya sa halagang P100,000 ang pamahalaang bayan sa anumang impormasyon na makatutulong sa agarang resolusyon sa kaso ng pagpatay sa guro noong Martes.

Nanawagan naman ang Diyosesis ng Cabanatuan para sa hustisya at katotohanan sa brutal na pagpatay sa biktimang si Mark Christian N. Malaca, 39-anyos na guro na nagtuturo sa St. Stephen Academy Inc. sa nasabing bayan, na inambush ng dalawang hindi pa kilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa kanilang bayan noong hapon ng Martes.

“Nananawagan kami sa mga kinauukulang awtoridad na magsagawa ng mabilis, walang kinikilingan, at malinaw na imbestigasyon sa mga pangyayari kaugnay ng pagpatay kay G. Malaca,” pahayag ni Cabanatuan Bishop Prudencio P. Andaya Jr. noong Huwebes ng umaga.

“Dapat mabunyag ang katotohanan, at ang mga responsable ay dapat managot ayon sa batas. Kasabay nito, nananawagan kami sa mga mananampalataya na labanan ang tukso na tumugon nang may galit o paghihiganti,” dagdag nito.

Samantala, ipinahayag ng information office ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) na patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin at posibleng motibo sa pagpatay kay Malaca.

“Tuloy-tuloy pa rin ang koordinasyon sa mga kamag-anak at kapwa guro ng biktima upang makakuha ng posibleng mahahalagang impormasyon na maaaring humantong sa agarang paglutas ng kaso,” sabi ni Police Captain Franklin D. Sindac sa kanyang mensahe sa Journal Group umaga ng Biyernes.

Sinabi rin ng NEPPO official na ang bangkay ni Malaca ay nakatakdang i-autopsy sa Nobyembre 8 at ang limang fired cartridge cases mula sa isang cal. 45 pistol na narekober sa pinangyarihan ng krimen ay isasailalim sa cross-matching.