Javier

P141M halaga ng cash assistance naipamigay sa mahihirap na estudyante—DSWD

143 Views

UMABOT sa P141 milyong cash assistance ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mahihirap na estudyante bago ang pagbubukas ng klase ngayong Agosto 22.

Batay sa post ni DSWD Undersecretary Jerico Javier sa kanyang Facebook account, P141,049,500 halaha ng educational aid ang naipamigay sa 48,033 benepisyaryo hanggang alas-2:30 ng umaga noong Agosto 21.

Pinakamalaki ang naipamigay sa Region 6 na umabot sa P20,760,000 para sa 5,144 benepisyaryo.

Sumunod ang Region 1 na nagkakahalaga ng P20,422,000 para sa 5,715 benepisyaryo, Calabarzon na nagkakahalaga ng P14,292,000 para sa 5,019 benepisyaryo at Region 2 na may P10,563,000 para sa 4,360 benepisyaryo.

Sa National Capital Region (NCR), ang naipamigay ay P4,191,000 para sa 1,594 benepisyaryo .

Sa central office ng DSWD sa Quezon City ay 2,149 benepisyaryo ang nabigyan ng kabuuang halagang P7,844,000.

Ang DSWD ay namimigay ng P1,000 ayuda para sa mga mahihirap na estudyante sa elementarya, P2,000 para sa high school, P3,000 sa senior high school, at P4,000 para sa nasa kolehiyo o kumukuha ng vocational o technical courses.

Ang pamimigay ay gagawin umano tuwing Sabado hanggang sa Setyembre 24.