Calendar
Ang mugshot ng 3 arestadong drug suspek. Kuha ni Steve Gosuico
PEÑARANDA, Nueva Ecija–Kalaboso ang inabot ng tatlong lalaki sa buy-bust kung saan nakumpiska ng mga awtoridad ang pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P19,040 noong Lunes dito.
Kinilala ni Captain Vincent Taylor, hepe ng pulisya ng bayan, ang mga naaresto na sina alyas Aster, 30; Jaguar, 31; at Jon, 30.
Nahuli ang tatlo matapos makabili ng shabu ang isang undercover na pulis na nagkakahalaga ng P1,000 sa entrapment sa Brgy. Poblacion dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Nakuha mula sa mga suspek ang 2.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P19,040.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) para sa inquest-filing laban sa mga suspek sa provincial prosecutor’s office sa Cabanatuan City.

