Seniors

P1K buwanang allowance ng Manila senior ipapatupad sa Enero ’25

Edd Reyes Oct 24, 2024
190 Views

NILAGDAAN na ni Manila Mayor Honey Lacuna noong Huwebes sa City Hall ang ordinansang magpapatupad sa P1,000 buwanang allowance sa mga senior citizen simula sa Enero 2025.

Ayon sa alkalde, may 200,000 senior citizen sa Maynila ang makikiinabang sa dinobleng P500 buwanang allowance na magiging kapareho na ng ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga maralitang seniors na P1,000 kada-buwan,

“So in March next year, the city’s senior’s allowance payout of P3,000 and the DSWD indigent senior’s pension of another P3,000 will combine for P6,000.

Our Manila OSCA will coordinate with the DSWD. We will strive to have a joint payout, so that our seniors will receive the two P3,000s at the same time for the convenience of our seniors,” sabi ng alkalde.

Sinabi naman ni Vice Mayor at Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod Yul Servo na resulta ng wasto at responsableng pamamahala ni Mayor Lacuna sa pananalapi ng bayan ang dagdag na allowance.

Kabilang sa mga tatanggap ng allowance ang mga buhay pang mga seniors, mga hindi nakadepende, patuloy na naninirahan at botante sa Maynila, habang ang mga lumipat na ng ibang lungsod o munisipalidad hindi na nararapat na tumanggap ng allowance.

Sinabi ng alkalde na kung hindi nakuha ng benepisyaryo ang kanyang allowance sa itinakdang araw, ang barangay ang maghahanap sa kanila upang mabisita ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) at maibigay ang kanilang allowance.

“Ginawa rin po nating sistematiko at mas maayos ang proseso sa distribution ng senior’s allowance.

Malaki na ang improvement mula noong tayo ay naging Punong Lungsod. Ngayon, madalas na po ang updating at masinop ang requirements para masigurong totoong beneficiary ang makakatanggap ng allowance,” pahayag ni Mayor Lacuna.