Yosi

P200,000 na smuggled yosi nakumpiska sa Batangas

147 Views

HULI ng mga otoridad ang isang lalaki dahil sa pagbibiyahe ng umano’y mga smuggled na imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P200,000 sa Brgy. Mainaga, Mabini, Batangas, ayon kay Batangas police director P/Col. Jacinto R. Malinao, Jr.

Nahuli ang suspek na si alyas Neil bandang alas-11:00 ng umaga ng mga tauhan ng Mabini police habang nagsasagawa ng checkpoint sa nasabing barangay.

Pinara ng mga pulis ang gray Toyota Avanza (NBZ 1948) na minamaneho ng suspek pero hindi pinansin ng driver at mabilis na pinatakbo ang sasakyan papalayo sa checkpoint.

Hinabol ng mga pulis ang sasakyan at nahuli ang suspek.

Sa pagsisiyasat, nakita at kinumpiska ng mga pulis ang 14 na kahon ng mga hinihinalang smuggled na sigarilyo na umaabot sa 50 reams na walang graphic health warning signs at Bureau of Internal Revenue (BIR) seal na nagkakahalaga ng P210,000.

Walang anumang kaukulang dokumento maipakita ang suspek tungkol sa nasabing mga kontrabando.