Wanted

P200K reward sa impormasyon sa bumaril sa Chinese alok ng Makati police

Edd Reyes Oct 24, 2024
7 Views

NAGLAAN ang Makati City Police ng P200,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang Chinese national na bumaril at nakapatay sa kanyang kababayan noong Oktubre 17 sa isang restaurant sa Makati City.

Makukuha ninuman ang reward kung maituturo kung nasaan ang suspek na si Wang Danyu alias Wang Dan at Bao Long.

Nakuhanan pa ng CCTV nang barilin ni Wang ang kababayang si Liu Jabin, 29, sa harap ng kanyang live-in parner na si Hu Dan, 33, sa VIP room ng isang hotpot restaurant sa Brgy. San Antonio.

Pinayuhan ng pulisya ang sinumang indibidwal na makakakita ng personal o nakakaalam sa pinagtataguan ng dayuhan na huwag nilang tangkaing arestuhin o isagawa ang “citizens arrest” dahil armado at mapanganib ang kriminal.

Sa kalatas ng Southern Police District, nakasaad na kung sino man ang may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek, ipagbigay-alam sa pinakamalapit na presinto o tumawag sa Makati police sa 09297936525.

“Strictly confidential” ang lahat ng impormasyon na ibibigay ng sinumang informant.

Bago nangyari ang pamamaslang, nakita sa CCTV na tila napikon ang suspek sa biktima na lasing na bunga ng halos magdamag nilang inuman.

Tinangka pang umawat ng live-in partner ng biktima nang bumunot na ng baril ang suspek subalit ilang sandali lang pinagbabaril na ang kababayan na hindi na umabot ng buhay sa pagamutan.