Classrooms

P27B pondo gagamitin para ipatayo 27K bagong classrooms

196 Views

IBINALITA ni Senador Win Gatchalian na nakapaloob na sa panukalang 2026 national budget ang P68 bilyong pondong gagamitin sa pagpapatayo ng hanggang 27,000 bagong silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, nadagdagan ng P19.3 bilyon ang orihinal na P48.7 bilyon na inilaan sa ilalim ng House Bill No. 4058. Mas mataas ito ng halos limang ulit kumpara sa P15.25 bilyon na nakasaad sa orihinal na National Expenditure Program (NEP).

“Ang DepEd ay maaaring makipag-ugnayan sa mga local government units at civil society organizations para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan,” ani Gatchalian, na iginiit din ang pangangailangang maging mas mabilis at epektibo ang implementasyon ng mga proyekto lalo na sa mga lugar na may kakulangan sa pasilidad.

Sa mga lugar na may problema sa seguridad, maaaring tumulong ang Armed Forces of the Philippines Corps of Engineers sa pagpapatayo ng mga classroom. Bukod dito, maglalaan din ng P160 milyon para sa site development ng mga paaralan sa ilalim ng public-private partnership projects ng DepEd.

Itinuturing na tugon ito sa lumalalang problema sa kakulangan ng silid-aralan na matagal nang kinakaharap ng mga guro, magulang, at estudyante lalo na sa mga lungsod at liblib na lugar. Ang panukala ay mahalaga rin para sa mga OFW na umaasa sa pampublikong edukasyon para sa kanilang mga anak.

Hindi pa inilalabas ang detalye kung saang mga rehiyon itatayo ang mga bagong classroom. Ayon sa tanggapan ni Gatchalian, sa panahon ng budget execution pa ito mapaplantsa katuwang ang DepEd central office.

Ang pagkakasama ng LGUs at civil society groups sa pagpapatupad ng proyekto ay nagpapakita ng desentralisadong diskarte na maaaring maghatid ng trabaho sa mga lokal na manggagawa at mapabilis ang konstruksiyon.