Martin

P286M halaga ng tulong bitbit ng Serbisyo Caravan sa CDO

Mar Rodriguez May 16, 2024
119 Views

NAGKAKAHALAGA ng P286 milyon ang tulong na dala ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa may 30,000 benepisyaryo sa Cagayan De Oro City.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang isa sa nagtaguyod ng BPSF, ang paglulungsad ng serbisyo caravan sa CDO, ang ika-17 lugar na binisita ng programa. Ginanap ito sa Dr. Ricardo E. Rotoras (DRER) Memorial Hall, USTP sa Cagayan de Oro.

Layunin ng programa na ilapit sa mg mamamayan ang iba;t ibang ayuda, programa at serbisyo ng pamahalaan.

“Isa na namang matagumpay na BPSF ang ating naisagawa sa CDO itong nakaraang dalawang araw. Target po natin ang mga lalawigan sa Mindanao, kaya isusunod na natin ang Tawi-Tawi at Davao del Norte matapos tayong manggaling sa Zamboanga City nitong nakaraan,” ani Romualdez, ang pinuno ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Ang CDO, ang ikaanim na lugar sa Mindanao na binisita ng BPSF. Una itong dumalaw sa Zamboanga City, Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat at Davao de Oro. Inaasahan din na sa susunod na linggo ay magtutungo ang BPSF sa Tawi-Tawi at Davao del Norte.

“Ito po ang hangarin ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr., ang direktang benepisyo sa ating mga mamamayan. Ang gobyerno na po ang pupunta sa inyo, hatid ang daan-daang programa at mga programa sa ayuda para siguruhing lahat ng mamamayan ay kasama natin sa pag-unlad,” ayon kay Romualdez.

Si CDO Rep. Lordan G. Suan ang nagsilbing local host para sa BPSF sa lungsod, kung saan may kabuuang 53 mambabatas sa Kamara na mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang dumalo.

Kabilang sa mga naghatid ng serbisyo ang 38 national government agency na may dalang 213 serbisyo para sa 30,000 benepisyaryo.

Sa kabuuang P286 milyon, P180 milyon dito ang ipapamahagi bilang cash assistance sa mga piling benepisyaryo.

Nagsilbi rin ang lugar bilang offsite payout ng DSWD para sa pamamahagi ng P168 milyong halaga ng tulong sa 26,000 benepisyaryo ng AICS.

Umaabot naman sa 200,000 kilo ng bigas ang ipinamahagi ni Speaker Romualdez na nakikilala na bilang si “Mr. Rice” sa mga benepisyaryo ng BPSF.

Kasabay ng serbisyo caravan, inilunsad din ng CDO ang ilang programa ng pamahalaan tulad ng Start-up, Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) at ang Integrated Scholarship and Incentives for the Youth (ISIP for the Youth), na kapwa nabuo sa tulong ni Speaker Romualdez.

Ang SIBOL program ay inisyatib ni Speaker Romualdez na ang layunin ay hikayatin ang mga nais na magsimula ng negosyo, bilang tugon sa pag-angat ng kabuhayan at suporta sa panahon ng krisis, sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga indibidwal na makatulong sa pag-unlad lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Makatanggap naman ng tig-P5,000 ang 3,000 benepisyaryo na binubuo micro, small at medium enterprises (MSME) business owners sa CDO sa pamamagitan ng DSWD AICS sa ikalawang araw ng BPSF. Tatanggap din ang mga benepisyaryo ng tig-5 kilo ng bigas na isasagawa sa West Central Elementary School Gym on May 17.

Ang ISIP for the Youth na isa rin sa mga inisyatiba ni Speaker Romualdez sa pakikipagtulungan ng mga ahensya ng pamahalaan para tulungan ang mga mahihirap na estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Layunin ng programa na palakasin ang mga kabataang Filipino, magbibigay sa kanila ng kakayahan na makatulong sa bansa, partikular na ang mga mag-aaral sa kolehiyo at vocational education students.

Ang 2,000 mag-aaral ay tatanggap ng tig-P2,000 financial assistance tuwing ikaanim na buwan sa pamamagitan ng DSWD AICS para sa kanilang matrikula at iba pang mga gastusin. Ang mga benepisyaryo rin ay kabilang sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED kung saan ang mga mag-aaral ay tatanggap ng P15,000 kada semester.

Ang mga benepisyaryo ay bibigyan din ng prayoridad sa Government Internship Program (GIP) sa kanilang pagtatapos sa pag-aaral. Pasok din sa DOLE-TUPAD Program ang mga magulang o guardian ng mga scholar na walang hanapbuhay.

Kabilang din sa magiging aktibidad sa ikalawang araw ng BPSF sa CDO ang isasagawang Pagkakaisa concert kung saan inaasahang aabot sa 10,000 katao ang dadalo.