Calendar
P2B target itulong sa rice retailers na apektado ng price ceiling
NAGPAPAHANAP si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P2 bilyong pondo na gagamitin upang matulungan ang mga rice retailer na malulugi sa ipatutupad na rice price ceiling.
Inatasan ni Speaker Romualdez si Appropriations committee chairperson Zaldy Co upang makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management (DBM) para mahanap ang pondo.
“Our goal is to ensure that we can extend assistance to rice retailers who may be affected by this rice price ceiling, as it is a directive from our President aimed at protecting consumers,” ani Speaker Romualdez.
Hindi naman nagsayang ng oras si Co at agad na nakipag-ugnayan sa DBM na pinamumunuan ni Secretary Amenah Pangandaman.
“We will promptly engage with the DBM to expedite the release of the P2 billion funds for our rice retailers,” ani Co.
Iginiit ni Speaker Romualdez, lider ng 311 miyembro ng Kamara ang kahalagahan na gumawa ng hakbang ang Kongreso upang matiyak ang suplay ng bigas at mapababa ang presyo nito.
Matatandaan na nakipag-usap si Speaker Romualdez sa mga rice retailer upang marinig ang kanilang panig sa isyu ng pagpapataw ng price ceiling.
Sinabi ni Speaker Romualdez na hindi manhid ang Kongreso sa hinaing ng mga negosyante.
Inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 39 kung saan itinakda sa P41 ang presyo ng isang kilong regular milled rice at P45 naman para sa isang kilo ng well-milled rice.