Justice

P300K sa ikadarakip ng utak sa pagpatay sa bgy capt. inalok sa Jaen

Steve A. Gosuico Nov 15, 2024
77 Views

Justice1JAEN, Nueva Ecija–Nag-aalok ng P300,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang utak sa pagpatay kay Mark Vic Pascual, barangay captain ng Brgy. Don Mariano Marcos.

Inanunsyo ni Mayor Sylvia Austria, tiyahin ni Pascual, na mula sa dating P100,000 na unang inialok na pabuya, tumaas na ito sa P300,000.

Lumaki ang pabuya dahil nag-alok ng karagdagang P200,000 si San Leonardo Mayor Elan Nagaño at asawang si Dr. Maricel Natividad-Nagaño.

Sinabi ni Mayor Austria na ang anumang impormasyon na ibibigay sa mga awtoridad ituturing na confidential.

“Makakaasa po kayo sa inyong katauhan at lahat ng impormasyon mananatiling kompidensyal.

“Maaring tumawag sa 0966-279-2582 o bisitahin ang pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” sabi ng alkalde.

Noong Miyerkules, kinondena ng mag-inang Austria ang pagpatay kay Pascual at hiniling na agad na mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay.

Hinimok din ni Mayor Austria ang Nueva Ecija police na bigyang prayoridad ang pagresolba sa kaso ng pagpatay kay Pascual.

Pinagbabaril si Pascual, 41, sa harap ng gate ng kanyang bahay ng hindi pa nakikilalang gunman na sakay ng sedan dakong alas-11:50 ng gabi.

Dating barangay kagawad na tumakbo nang walang kalaban bilang barangay chairman noong 2023 barangay polls ang pinatay.

“Mabait siya, marami siyang kaibigan, marami siyang kaalyado at mahusay siyang makisama,” sabi ng alkalde.