Droga Kinilala ni P/Lt. Col. Dionelle Brannon ang mga suspek na natimbog habang may dalang P34 milyong shabu, 2 baril at isang granada sa Sta. Ana, Manila.

P34M shabu, boga, granada nakumpisa sa Sta Ana buy-bust

Jon-jon Reyes Aug 25, 2024
23 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station-6 Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang dalawang lalaki na may dalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P34 milyon, dalawang baril at isang granada sa buy-bust sa Del Pilar at M. Roxas Sts., Brgy. 881, Zone 97, Sta. Ana, Maynila noong Biyernes.

Nakilala ang mga suspek na alyas Boss, 39, at alyas Jon-Jon, 30.

Ayon sa report ni Police Lieutenant Colonel Dionelle Brannon, hepe ng MPD-Sta. Ana Police Station 6, bandang alas-9:55 ng gabi nang malambat ang mga suspek at nakumpiska ang 5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon.

Nasabat rin sa mga suspek ang isang kalibre .45 baril, dalawang magazine na may 14 na bala, 38 revolver na may limang bala, isang granada at isang itim na Mio MXI motorcycle.

Nahaharap ang mga nahuli sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng RA 9165, Violation of RA 10591(Illegal Possession of Firearms and Ammunition at RA 9516 (Illegal Possession of Explosive).