Abalos

P408M shabu nasamsam sa Pampanga buy-bust

Alfred Dalizon Jul 29, 2022
233 Views

PINURI ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. ang anti-illegal drug operation sa Pampanga kung saan narekober ang tinatayang P408 milyong halaga ng shabu.

Nahuli ang isang lalaki na taga-Caloocan City sa isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tapat ng Mega Station sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) KM 62, sa Barangay San Felipe, San Fernando, Pampanga noong Hulyo 28.

Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 60 kilo ng shabu.

“Congratulations! Ang galing ng kapulisan, ang galing ng PDEA. Ang galing ng lahat!” sabi ni Abalos.

Ayon kay Abalos ito na ang pinakamaraming shabu na nakumpiska ngayong taon.

Sinabi ni Abalos na magpapatuloy ang operasyon ng mga otoridad laban sa ipinagbabawal na gamot.

“We will intensify this war on drugs. Walang tigil ito, pukpukan ito. But this time, we will complement our anti-drug operations with the full force of the law. We will make sure that the cases, especially those against high-profile drug suspects, are airtight,” dagdag pa ni Abalos.