Calendar
Photo source: FB/PRO4A
P442K shabu nakumpiska sa mag-live in partner sa Quezon
NAARESTO ng mga pulis ang isang mag-live-in partner sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Batangan, General Nakar, Quezon madaling-araw nitong Miyerkules, Setyembre 10, kung saan nakumpiska ang tinatayang P442,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas “Noe,” 40, High-Value Individual (HVI) mula Brgy. Comon, Infanta, at alyas “Kimberly,” 30, Street-Level Individual (SLI) mula Brgy. Batangan. Ayon sa ulat, dakong 12:57 a.m. nang maaktuhan silang nagbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang P500 sa isang pulis na nagpanggap bilang buyer.
Sa isinagawang preventive search, nakumpiska ang tatlong heat-sealed sachets na naglalaman ng humigit-kumulang 65 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P442,000, kasama ang personal na gamit at marked money.
Ang mga suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng General Nakar Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni PRO CALABARZON Regional Director, PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, na magpapatuloy ang kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga. Aniya, hindi hihinto ang operasyon hangga’t hindi ganap na ligtas ang bawat komunidad sa CALABARZON mula sa banta ng iligal na droga. Hinihikayat din niya ang publiko na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat ng kahina-hinalang aktibidad upang tuluyang sugpuin ang krimen at bentahan ng droga sa rehiyon.
—
STORY FROM THIS LINK: https://www.facebook.com/share/p/1HSx5UDkWC/

