NBI Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek sa pagbebenta ng vape products na hindi sumusunod sa isinasaad ng batas.

P4M substandard vape products nasamsam; 2 vendors tiklo ng NBI

Jon-jon Reyes Jul 3, 2025
278 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cavite North District Office (NBI-CAVIDO-North) sa Paranaque City dahil sa pagbebenta ng mga vape products na aabot sa halos P4 milyon na hindi sumusunod sa registration requirements na nakasaad sa RA 11900, ang batas na nagreregulate sa pagbebenta ng naturang produkto.

Ayon kay NBI director Jaime Santiago, itinuturing na unregulated at substandard ang mga vape items kaya nagkasa ng entrapment ang NBI kasama ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry upang arestuhin ang mga suspek.

Kinilala ang dalawang naaresto na sina Ace at Reginald.

Noong Hulyo 2 natapos na ang entrapment at inaresto ang mga suspek at narekober sa kanila ang ilang kahon ng vape products.

Nasamsam sa operasyon ang 49 na master cases na naglalaman ng 8,200 piraso ng vape pod at 1,600 piraso ng vape device bukod sa iba pa.

Ang imbentaryo ng mga nasamsam na vape products, na ginawa ng mga ahente ng NBI-CAVIDO-North at DTI personnel, ay tinatayang nagkakahalaga ng P3,920,000.

Nagpasalamat si Director Santiago sa mga ahente ng NBI kaugnay ng matagumpay na operasyon.