Atienza

Atienza tiniyak agad na paglabas ng calamity fund sa nasunugan

Edd Reyes Jul 4, 2025
281 Views

ISINAILALIM na sa state of calamity ang dalawang barangay sa Sampaloc, Manila na naapektuhan ng malaking sunog Miyerkules ng madaling araw na dahilan ng pagkawala ng tirahan ng maraming pamilya.

Pinangunahan ni Vice Mayor at Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod Chi Atienza ang agarang pag-aproba sa resolusyon Huwebes ng hapon na layuning mailabas kaagad ang calamity funds ng Barangay 439 at 448 at kaagad maipamahagi sa mga pamilyang apektado ng sunog.

Minadali ng bise alkalde ang pagpapasa sa resolusyon nang personal niyang bisitahin ang mga apektadong residente upang kausapin ang mga ito at ipangako ang pagkakaloob ng tulong at suporta ng walang pagka-antala.

Sabi ni Atienza, higit pa sa pangako ang kanyang mabilis na pag-aksiyon sa hinaing ng mga nasunugan na alinsunod sa kanyang layunin noon pa man na itaguyod ang konsultatibong pamamahala at karanasan na hinubog ng pagiging maawain.

Pinanday na ng sapat na karanasan si Chi Atienza bilang missionary at direktor ng Kababaihan ng Maynila (KBM) nang pagsilbihan niya ang mga nasa laylayan ng lipunan noong panahon ng pandemya kung saan pinangunahan niya ang pamamahagi sa bawa’t pamilya ng halos P20 milyong halaga ng food packs at medisina.

Bilang pagtataguyod sa prinsipyo ng platapormang “Bilis Kilos” mabilis nilang pinagpasiyahan ni Mayor Isko Moreno ang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasunugang pamilya upang matiyak na maipapaabot kaagad sa kanila ang tulong ng lokal na pamahalaan.