Taxi Driver

Driver arestado sa PITX dahil sa online sabong

Edd Reyes Jul 4, 2025
268 Views

BISTADO ang pagkalulong sa online-gambling ng ilang mga taxi at transport service drivers na dahilan ng mga ulat na paningingil nila ng labis sa kanilang mga pasahero sa Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) A Paranaque City.

Ito’y makaraang madakip ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo ang 12 taxi at transport service drivers sa akto ng pagtaya sa illegal online gambling na “e-sabong” Huwebes ng alas-4:30 sa PITX Taxi Lane sa Brgy. Tambo.

Ikinasa nina Lt. Col. Antonio Ananayo, Jr., hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD ang operasyon matapos silang makatanggap ng reklamo ng paniningil ng labis ng mga tsuper sa mga pasaherong nagmumula sa PITX upang matugunan umano ang pagkalulong nila sa ilegal na e-sabong.

Kabilang sa mga naaresto sina alyas “Mark” 35, alyas “Reynante” 43, na kumokolekta ng taya sa mga kapuwa driver, mga alyas Domingo, 43, Gilleard, 52, Condrado, 41, Jimmy, 54; Ely, 38, John Robert, 50, konduktor ng modern jeep, Rodel, 48, Ronaldo, 63, Sunny, 51, at Joeuie, 50.

Nakumpiska sa kanila ng pulisya ang dalawang mobile phone na ginagamit nila sa pagtaya at P3,545.00 na bet money na pawang naka-rekord sa video ng gamit na body camera ng mga operatiba.

Sinabi ni BGen. Arceo na hindi lang ito tungkol sa pagsusugal kundi sa kanilang pananagutan.

“When drivers gamble away their income and take it out on the commuting public through overpriced fares, that becomes a matter of public safety,” dugtong ng SPD Director.