BBM Si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. habang namahagi ng P50 milyong ayuda sa mga biktima ng bagyong Kristine sa Camarines Sur (PCO photos).

P50M ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa CamSur ibinigay ni PBBM

Chona Yu Nov 6, 2024
90 Views

BBM1AABOT sa P50 milyong halaga ng ayuda sa mga magsasaka, mangingisdaa at mga apektadong pamilya ng bagyong Kristine ang ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Camarines Sur.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Fuerte Camsur Sports Complex, sinabi nito na galing ang pondo sa Office of the President at ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Umaasa ako na sa tulong at suportang iniaabot namin sa inyo ngayon, kayo ay magkakaroon ng sapat na kakayahan upang makabangon muli,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Makakatanggap ng tig-sa-10 libong piso ang 5,000 magsasaka, mangingisda, at iba pang pamilyang naapektuhan,” dagdag ng Pangulo.

Nasa 5,000 beneficiaries ang binigyan ng ayuda ni Pangulong Marcos. Sa naturang bilang, tig 600 ang mula sa mga munisipalidad ng Minalabac at Nabua; tig 500 mula sa Milaor at Bula; 450 mula sa San Fernando; tig 400 mula sa Gainza at Baao; 350 mula sa Canaman; tig 250 mula sa Libmanan at Camaligan; at tig 200 mula sa Calabanga at Pili.

Binigyan din ng pinansyal na ayuda ang tig 100 na residente mula sa mga munisipalidad ng Pamplona, Bombon at Magarao.

“Talaga pong nagpupursige tayo na maibalik sa normal ang kondisyon, sa lalong madaling panahon, ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan nitong bagyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Una rito, namahagi na si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel ng P247,442.25 na crop insurance payments sa 10 magsasaka.