Shabu

P75M shabu nasabat sa Clark Freeport Zone

231 Views

MATAGUMPAY na nasabat ng Bureau of Customs at Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CRK-IADITG), sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III, ang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱75,072,000 sa isang pinagsanib na operasyon sa Clark Freeport Zone, Mabalacat, Pampanga.

Bandang 5:27 ng hapon, nasamsam ng mga awtoridad ang isang kahina-hinalang padala na idineklara bilang “Industrial Water Chiller” na may tracking number na 883725003206. Galing ito sa bansang Mexico at nakapangalan sa isang consignee sa Cainta, Rizal. Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 11.04 kilo ng shabu na itinago sa loob ng naturang kargamento.

naaresto sa operasyon sina Alias Dexs, 52, taga-Cebu; at Alias Maca, 54, taga-Tarlac

Sasampahan sila ng mga kasong paglabag sa Sections 4, 11, at 20, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang operasyon ay naisagawa sa pamamagitan ng koordinasyon ng Bureau of Customs at PDEA Region III CLARK-IADITG, kasama ang PDEA Pampanga Provincial Office; National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office; PNP Aviation Security Unit 3; PNP Drug Enforcement Group (PDEG); PNP Mabalacat City Police Station at Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Port of Clark

Kabilang sa mga narekober na ebidensya (maliban sa droga) ay mga identification card, cellphone, sasakyan, at iba’t ibang shipping documents na may kaugnayan sa tangkang pagpupuslit ng droga.

Kinumpirma ng PDEA Regional Office III na sasailalim sa laboratory examination ang nakumpiskang droga habang nasa kustodiya na ang mga naarestong suspek. Maari silang mapatawan ng habambuhay na pagkakakulong at multang mula ₱500,000 hanggang ₱10,000,000 kapag napatunayang nagkasala.

Pinuri ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez ang mahusay na pagtutulungan ng mga ahensyang sangkot sa operasyon at binigyang-diin ang matatag na paninindigan ng pamahalaan na putulin ang suplay ng iligal na droga sa mga port of entry ng bansa.

“Ang tagumpay na ito sa interdiction ay patunay ng ating pagkakaisa laban sa pandaigdigang drug trafficking. Mananatili tayong mapagbantay upang maprotektahan ang mga komunidad mula sa banta ng iligal na droga,” ani Nerez.

Nangako ang CLARK-IADITG na paiigtingin pa ang mga operasyon alinsunod sa “whole-of-nation approach” na nasa ilalim ng panuntunan at layunin ng kampanyang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa iligal na droga.