Calendar
Pabialahay, Grand Pasayo sentro ng pista sa GenTri
GENERAL TRIAS CITY, Cavite–Pangungunahan ng Pabialahay at Grand Pasayo ang pista ng San Francisco de Malabon sa syudad na ito mula Setyembre 29 hanggang Oktubre 5.
Itatampok ang blessing of pets (Pabialahay) sa Setyembre 29 sa city plaza sa ganap na alas-7:00 ng umaga pagkatapos ng misa sa alas-6:30 ng umaga.
Magkakaroon ng pet parade sa Plaza Rizal para sa lahat ng residente na may alagang hayop na susundan ng pet blessing sa pangunguna ni Rev. Ollie Genuino, ang kura paroko ng St. Francis of Assisi.
Magkakaroon ng libreng pet vaccination at may pet contest din sa city hall lobby dakong alas-9:00 ng umaga na isasagawa ng City Veterinary Office.
Magkakaroon din ng pet festival sa Maple Grove sa Centennial road sa Brgy. Tejero sa hapon, drive thru pet blessing, anti-rabies vaccination drive, pet PAWshion show, Furry Find Fair, Pet Park and Obstacle, PAWS for a Photo, on-the-spot painting at Pack Walk at Pet Meetup sa kahabaan ng festival.
Mayroon ding “Grand Pasayo: Battle of Champions 2024” sa Poblacion area sa ganap na ala-1:00 ng hapon sa Setyembre 30.
Aabot sa 12 banda mula sa buong rehiyon ang sasali.
Kabilang dito ang Banda 12 San Juan Nepomuceno mula sa Alfonso, Cavite; Banda 16 San Juan Nepomuceno mula sa Alfonso, Cavite; Las Piñas Band 91; Banda Immaculada mula sa Naic, Cavite; Banda Kabataan 77 mula sa Bailen; Banda Kabayan mula sa Cabiao, Nueva Ecija; Dragons of Cabiao Youth Concert Band 98; Holy Rosary Youth Banda ng Rosario, Cavite; San Diego de Alcala Band ng Pililla, Rizal; San Santiago Apostol Band 25 ng Paete, Laguna; St. Joseph Band ng Bailen; St Jude Band ng Maragondon, Cavite.
May Karakol ng Bayan sa Oktubre 2 sa ganap na ala-1:00 ng hapon na gaganapin sa city proper at dadaluhan ng mga opisyal ng gobyerno kasama si Mayor Luis Ferrer IV.
Sa Oktubre 4, araw ng fiesta, pangungunahan ni Bishop Rey Evangelista ng Diocese of Imus ang alas-9:00 ng umaga na misa sa St. Francis Church at libreng concert at fireworks display sa city plaza sa ganap na alas-8:00 ng gabi.
Matatapos ang selebrasyon sa grand procession na susundan ng fireworks display sa gabi ng Oktubre 5.