Pacquiao

Pacquiao, inilatag ang mga isusulong nitong programa para lalo pang palakasin ang sektor ng agrikultura sa Negros Oriental

Mar Rodriguez Feb 22, 2025
19 Views

BACOLOD CITY – INILATAG ng boxing icon at isa sa mga pambatong Senatorial candidate ng Alyansa para sa bagong Pilipinas (APBP) na si Manny “Pacman” Pacquiao ang isusulong nitong programa para lalo pang palakasin ang sektor ng agrikultura sa Negros Oriental.

Binigyang diin ni Pacquiao ang kahalagahan ng pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa Negros Oriental kabilang na ang iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na mayaman sa pagpo-produce ng agricultural products gaya ng tubo, palay, mga gulat at iba pa.

Dahil dito, inilahad ni Pacquiao ang mga isusulong nitong programa upang matulungan ang mga magsasaka ng Negros Oriental sa pamamagitan ng “PDC framework” o Produce, Distribution at Consumption na susi sa pagpapabuti at pagpapa-unlad ng sistema ng agrikultura.

Ipinaliwanag ng dating senador na mahalagang masukat kung sapat o kulang ang produksiyon ng mga pangunahing produkto sa bansa kung saan dapat aniyang tiyakin na may sapat na suplay ng pagkain para mapanatili ang kasiguruhan ng pagkain.

Binanggit din ni Pacquiao ang isang dating karanasan kung saan ang isang magsasaka ay nagbenta ng kaniyang ani sa halagang P50 kada kilo. Subalit pagdating aniya sa merkado o pamilihan ay umaabot na ang nasabing ani sa halagang P300.00 kada kilo.

“Napagkakaitan ang mga magsasaka ng tamang kita, habang ang mga middleman ang siyang mas malaki ang kinikita. Hindi ko sinasabing alisin sila, pero kailangan magkaroon ng patas na sistema. Kawawa naman ang ating mga magsasaka,” ayon kay Pacquiao.

Pagdidiin pa ng dating eight-division-world boxing champion ang tamang pamamahala sa suplay ng pagkain upang maiwasan ang pananamantala ng ilang tusong negosyante.