Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Pacquiao

Pacquiao nakipag-pulong sa liderato ng Senado

Mar Rodriguez Apr 8, 2025
39 Views

PASAY CITY – Nakipagpulong ang tinaguriang “The People”s Champ” na si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa liderato ng Senado sa pangunguna ni Senate President Francis “Chiz” Escudero at Senator Joel Villanueva.

Ayon kay Pacquiao, sumentro ang ginanap na pakikipag-pulong nito kina Escudero at Villanueva sa pagpapalakas ng ugnayan patungkol sa pagbabalangkas ng mga panukala kabilang na dito ang pagsusulong ng mga polisiyang maka-mahirap at inisyatibang para sa pagkakaroon ng pambansang kaunlaran.

Binigyang diin ni Pacquiao ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga mambabatas upang maisulong ang ang mga repormang mayroong direktang pakinabang sa mamamayang Pilipino.

“Napag-usapan namin kung papaano mananatiling haligi ng pag-asa at pagkilos ang Senado para sa bawat Pilipino,” ani Pacquiao.

Tiniyak din ng dating senador na nakahanda umano siyang makipag-tulungan sa mga beteranong lider na gaya nina SP Escudero at Senador Villanueva upang isulong ang mga batas laban sa kahirapan, pagpapalakas ng kabataan at pagtatanggol sa pambansang interes.

Ipinabatid din ni Pacquiao na tinalakay din sa naturang pulong ang mga prayoridad sa pagbabalangkas ng mga batas kabilang na dito ang edukasyon, programa para sa libreng pabahay para sa mga mahihirap, pagpapaunlad ng sports, kabuhayan at pampublikong kalusugan.

“Napag-usapan namin na walang dapat maiwan lalo na yung mga kababayan nating mahihirap,” wika pa ni Pacquiao.

Tinalakay din aniya sa kanilang meeting ang mga pang-matagalang solusyon at estratehiya para sa pagbangon ng ekonomiya, mga inisyatibang kontra-korapsiyon at pagpapabuti ng serbisyo publiko para sa mga mamamayan.