Pacquiao

Pacquiao nananawagan sa mga Pilipino na huwag matakot na ipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas vs isang dayuhan

Mar Rodriguez Apr 27, 2025
21 Views

DAGUPAN, PANGASINAN — Nananawagan ang binansagang Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa sambayanang Pilipino na huwag silang matakot na ipaglaban ang kasarinlan ng Pilipinas laban sa pakikialam ng banyagang bansa lalong lalo na sa darating na May mid-term elections.

Binigyang diin ni Pacquiao na hindi dapat hayaan ng mga Pilipino na sila ay didiktahan ng sinomang dayuhan patungkol sa gagawin nilang pagpili ng kandidato sa paparating na halalan.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang dating senador patungkol sa napapabalitang gagawing pakikialam umano ng isang dayuhang bansa sa magaganap na eleksiyon na tumutukoy sa China.

“We must not allow our country’s future to be dictated by foreign powers. Your vote is for the Philippines, not for any interfering outsiders,” wika ni Pacquiao.

Sinang-ayunan din ni Pacquiao ang pahayag ng mga kasamahan nito sa APBP na walang karapatan ang mga dayuhan tulad ng China na panghimasukan ang political affairs ng Pilipinas sapagkat tayo lamang ang may karapatang humubog ng ating kinabukasan.