Pacman

Pacquiao nananawagan sa mga Pilipino na magkaisa vs panghihimasok ng China sa halalan

Mar Rodriguez May 7, 2025
17 Views

BONGAO, TAWI-TAWI – Nananawagan si Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa sambayanang Pilipino na magkaisa para sabay-sabay na tutulan at kondinahin ang di-umano’y panghihimasok ng China sa gaganaping 2025 mid-term elections.

Kasabay nito, binatikos din ni Pacquiao ang napapaulat na paggamit ng mga Chinese ng mga troll farm kabilang na dito ang manipulasyon nila sa social media na sadyang idinisensyo upang impluwensiyahan ang boto ng mga Pilipino sa idaraos na halalan sa susunod na linggo.

Pagbibigay diin ng dating senador na hindi dapat magpa-impluwensiya ang mga Pilipino sa pakikialam ng dayuhan sa ating soberanya lalo na sa darating na eleksiyon. Kung saan, ang saloobin ng mayorya ng mamamayan ang dapat manaig at hindi ang dikta ng dayuhan.

Sabi ni Pacquiao na kailangang ipakita ng mga Pilipino sa kanilang mga ibobotong kandidato kung sino ba talaga ang tunay na makabayan at totoong nagmamahal sa Pilipinas sa gitna ng mga alingas-ngas at agam na mayroong ilan sa kanila ang ang di-umano’y kumakampi sa dayuhan gaya ng China.

“Huwag magpa-impluwensiya. Ang ipinaglaban na kalayaan ng ating mga ninuno ay huwag nating sayangin. Huwag nating isuko ang ating karapatan at kalayaan sa mga dayuhan, patunayan natin sa ating mga boto kung sino talaga ang tunay na makabayan,” wika ni Pacquiao.

Ang pahayag naman ni Pacquiao ay kasunod ng nakakabahalang ulat mula sa National Security Council (NSC) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na nagsiwalat ng nagpapatuloy na state-sponsored disinformation campaign sa iniuugnay naman sa China.

Samantala, muling nagpaabot ng taos pusong pasasalamat si Pacquiao matapos ang pag-eendorso sa kaniya ng Jesus Is Lord (JIL) sa pangunguna ni CIBAC Party List Rep. Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva at anak nitong si Sen. Joel Villanueva.