Calendar

Pacquiao pabor sa pagsusulong ng panukalang batas para sa pensiyon ng OFWs
PABOR si Pambansang Kamao at Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao sa pagsusulong ng panukalang batas upang mabigyan ng pensiyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa panahon na sila ay magretiro na sa kanilang trabaho.
Sabi ni Pacquiao na ang pagkakaroon ng ganitong panukalang batas para sa mga OFWs na tinaguriang mga “Bagong Bayani” ay isang uri ng insentibo bilang pagkilala sa kanilang napakalaking kontribusyon para sa bansa lalo na sa ating ekonomiya.
Pagdidiin ng dating senador na hindi habang panahon ay mananatiling OFWs ang ating mga kababayan. Kaya napakahalaga aniya na magkaroon sila ng insentibo para sakaling maisipan na nilang mag-retiro ay mayroon silang makukuhang pensiyon na katas ng kanilang pinagpaguran.
Pahayag pa ni Pacquiao na maraming OFWs ang hindi nagawang makapag-ipon sapagkat sa panahon ng kanilang pagta-trabaho ay mas inuna umano nila ang kanilang pamilya partikular na ang pagpapa-aral ng kanilang mga kapatid.
Paliwanag pa ni Pacquiao na ang kadalasang hindi nakaka-ipon ay yung mga OFWs na mababa lamang ang kinikita gaya ng mga domestic helpers, laborers at drivers dahil ang kanilang maliit na kita ay halos napupunta para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Ang reaksiyon ni Pacquiao ay alinsunod sa inihaing panukala kung saan ang mga OFW at pamahalaan ay maghahati sa kontribusyon para sa pension fund na inaasahang mapapakinabangan ng mga Pilipinong migrante kapag sila ay magretiro na.