Calendar
Padilla maaaring kasuhan ng obstruction of justice — De Lima
AYON kay dating kalihim ng hustisya na ngayo’y kinatawan ng Mamamayang Liberal Party-list na si Rep. Leila de Lima, maaaring sampahan si SEN. Robin Padilla ng kasong obstruction of justice dahil umano sa pagtulong kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na makatakas mula sa kustodiya ng Senado noong Huwebes.
Ngayong nakatakas na si Dela Rosa, sinabi ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na ang pinakamalaking talunan ay ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) noong administrasyon ni Duterte at kanilang mga pamilya.
Si Dela Rosa, na naging hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang pangunahing tagapagpatupad ng kampanya kontra droga ng dating administrasyon.
Naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) sa The Hague, kung saan kasalukuyang nakakulong ang dating Pangulo habang hinihintay ang paglilitis kaugnay ng umano’y crimes against humanity.
Nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang ambush interview kung ano ang maaaring legal na pananagutan ni Padilla, sinabi ni De Lima: “Obstruction of justice, pagtatago ng kriminal na pugante, aiding and abetting a criminal fugitive. Obstruction of justice ‘yan, malinaw po sa akin ‘yan.”
Ayon naman kay Senate President Alan Peter Cayetano, umalis umano si Padilla sa Senado kasama si De la Rosa noong Huwebes matapos ang insidente ng pamamaril sa gusali ng Senado.
Sa pagsagot sa isa pang tanong, sinabi ni De Lima na ang tunay na talunan sa pagtakas ng dating hepe ng PNP ay ang mamamayan at ang batas.
“Ang taong bayan, ‘yung batas, the rule of law, ang talo po dito,” aniya.
Samantala, sinabi naman ni Cendaña: “At yung pinaka-natalo dito sa nangyari na pagpapatakas kay Bato de la Rosa ay ‘yung mga pamilya ng mga namatayan sa EJK.”
Ayon pa sa kanya, pinatutunayan lamang ng pag-alis ni Dela Rosa mula sa kustodiya ng Senado na hindi maaaring litisin sa Pilipinas sina dating Pangulong Duterte, Dela Rosa, at maging si Sen. Bong Go kaugnay ng umano’y crimes against humanity na konektado sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
“Talagang pinapakita nito na hindi talaga pwede dito sa Pilipinas litisin si Bato at si Duterte at kahit pa si Bong Go. Dapat talaga sa ICC kasi may ganito mga institution that enables them and coddles them,” ani Cendaña.
“I won’t be surprised kasi naging Senate President siya dahil ipinasok niya ‘yung botante niya, papasok ng Senado, pinuslit nilang magkapatid,” diin niya, na tumutukoy kina Senate President Cayetano at kapatid nitong si Sen. Pia Cayetano.
Bilang tugon sa pahayag ni Senate President Cayetano na humingi umano siya ng kanlungan sa Senado noong 2017 habang siya ay senador pa, pinabulaanan ni De Lima ang bersyon ng Senate leader hinggil sa kanyang pagkakaaresto noon dahil sa kasong may kaugnayan sa droga sa panahon ng administrasyong Duterte.
“Naku, maling-maling ‘yang mga sinasabi ni SP Allan. Ako po ay mapayapa na nag-surrender noon, noong ako ay inaresto noong Feb. 24, 2017,” ani De Lima.
Inalala niya na isang araw bago inilabas ang warrant of arrest laban sa kanya ay umuwi muna siya upang magpaalam sa kanyang pamilya at kumuha ng ilang gamit.
“Before that, the day before lumabas ‘yung warrant of arrest ay umuwi muna ako noon para magpaalam sa pamilya, para kunin ‘yung aking mga gamit pero bumalik din ako kaagad sa Senado at nag-stay ako overnight doon para kausapin din yung aking mga staff. So the next day kaagad,” paliwanag niya.
Iginiit niyang hindi totoo na binigyan siya ng ilang araw upang makasama ang kanyang pamilya.
“So hindi po totoo yung sinasabi na hindi ako inaresto o hindi ako nag-surrender doon sa Senate premises at hindi rin po ‘yung sinasabi na binigyan ako ng few days daw na makauwi muna,” dagdag niya.
Sinabi rin ni De Lima na isa o dalawang oras lamang siyang nakasama ng kanyang pamilya noon.
“Isang hapon lang ‘yun noong umuwi ako, isa o dalawang oras lang po ako umuwi para magpaalam sa pamilya ko at para kunin ‘yung aking gamit. So maling-maling po ‘yung mga ganyan na mga impormasyon. The record would show that tingnan nyo lang yung mga pangyayari noon sa mga news clippings dati in Feb 2017,” diin ni De Lima.

