Magsino5

Pag-apruba ng Kamara sa panukalang exemption ng mga OFWs sa PhilHealth contribution ikinagalak ni Magsino

Mar Rodriguez Feb 7, 2025
16 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pag-apruba ng Kamara de Representantes sa panukalang batas na nagkakaloob ng “exemption” para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Pinagtibay ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11357 na nag-aamiyenda sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act. Ang pangunahing probisyon ng nasabing panukala ay ang pagbibigay ng exemption sa mga OFWs sa pagbabayad nila ng mandatory PhilHealth contributions.

Nagpahayag ng kagalakan si Magsino dahil sa pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa amendments ng RA No. 11223 na matagal na nitong isinusulong at ipinaglalaban para sa kapakanan at kagalingan ng mga OFWs na masyadong nabibigatan aniya sa pagbabayad nila ng PhilHealth contributions.

Nilinaw ni Magsino na hindi naman lahat ng mga OFWs partikular na ang mga matagal ng nagta-trabaho sa ibang bansa ay nakakaluwag taliwas sa paniniawala ng karamihan kaya napakabigat para sa kanila ang patawan ng karagdagang gastos para sa PhilHealth.

“Marami ang nag-aakala na ang mga OFWs lalo na iyong mga matagal ng nagta-trabaho sa ibang bansa ay may mga kaya sa buhay. Pero hindi nila alam na hindi lahat ng mga OFWs ay nakakaluwag para patawan ng dagdag na gastos sa PhilHealth,” wika ni Magsino.

Binigyang diin pa ni kongresista na kaya mabigat para sa mga OFWs ang pagbabayad ng karagdagang gastos ay dahil mayroon na aniya silang binabayarang “medical coverage” sa bansang pinagta-trabahuhan nila kaya lamang silang mabibigatan sa mandatory contribution.