Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino

Pag-highjack sa barko ng 4 na Pilipinong Marino kinondina

Mar Rodriguez Apr 15, 2024
141 Views

BILANG KINATAWAN ng mga Overseas Filipino Workers, kinondina ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pangha-highjack sa container ship na MSC Aries na kinalulunadan ng apat na Pilipinong Marino na naganap sa Straight of Hormuz sa pagitan ng Iran at Oman.

Binigyang diin ni Magsino na ang pagiging isang Pilipinong Marino o mga Pinoy na nasa larangan ng Maritime ay mistulang isang panganib sapagkat makailang beses na aniyang nalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa ilang insidente ng pag-atake sa mga barkong lulan ng mga Pilipino.

Ayon kay Magsino, sa geopolitical tensions na bumabalot sa mga daluyan ng shipping vessels. Lagi umanong nalalagay sa peligro ang mga Pilipinong Marino, habang ang iba naman ay nagiging “collateral damage” sa mga kaguluhang sumisiklab sa iba’t-ibang bahagi ng mundo na mayroong conflict o giyera.

Dahil dito, iminumungkahi ni Magsino kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangan lalo pang paigtingin ng gobyerno ang pagkakaloob ng proteksiyon para sa mga Pilipinong Marino.

Sinabi ng OFW Party List Lady solon na ang isa sa mga hakbang na kinakailagang paigtingin ay ang pagpasa sa Magna Carta for Seafarers. Kung saan, nakapaloob dito ang pagpapanagot sa mga ship owners sakaling may nangyaring kapabayaan sa pagbaybay sa mga tinatawag na “high risk areas”.

Muling iginiit ni Magsino ang kaniyang panawagan sa United Nations (UN) partikular na sa Security Council para mamagitan sila sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng seguridad sa mga barkong naglalayag sa mga delikadong ruta na nakalaang baybayin sa pandaigdigang pang-kalakalan.

Bilang kinatawan ng mga OFWs, kabilang na ang ating mga Pilipinong Marino. Kinokondina natin ang nangyaring pangha-highjack sa Portuguese cargo ship dahil pang-ilang atake na ito sa mga barkong lulan ng mga Pilipinong Marino. Kailangan na sigurong kumilos dito ang UN,” sabi ni Magsino.